Sa kabila ng hirap ng buhay, inihayag ni Sanya Lopez na masaya ang kaniyang pamilya sa mga simpleng bagay tulad ng ulam na tuyo at sabay-sabay na kumakain.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, sinariwa ni Sanya na tumulong siya sa pagtataguyod ng kanilang pamilya sa murang edad, dahil maagang pumanaw ang kanilang padre de pamilya.

“Lahat naman po yata nakakaalam na hindi po marangya ‘yung buhay namin. Nawalan po ako ng daddy noong isang taon (gulang) pa lang po ako. Kami po talagang magkapatid ni Jak at si mommy ang nagtulungan para maitaguyod ang pamilya. Hindi ko po kino-consider na ako lang din po ‘yun,” sabi ni Sanya.

Ikinuwento ni Sanya ang mga pinakamahirap nilang pinagdaanan bilang isang pamilya.

“Noong mga bata kami, naranasan namin ‘yung ah, mahirap pala ang buhay namin. Akala namin normal lang ‘yun. ‘Yung normal lang na kumakain kayo ng talbos ng kamote na nakuha lang diyan sa labas. Tapos masaya na kami kasi may bagoong ‘yun, ulam na namin ‘yun,” kuwento niya.

Sa kaniyang paglaki, nagkahiwa-hiwalay din silang pamilya. Nasa Laguna noon si Sanya habang ang kuya niyang si Jak Roberto ay nasa Bulacan para sa kanilang mga pag-aaral. Habang ang kanilang ina ay nagtatrabaho sa Maynila.

“May mga time rin, minsan wala pala kaming pangkain tapos uutang na lang tayo, ganoon ang nangyayari sa amin.  Akala namin normal ‘yon,” sabi ni Sanya.

“Hanggang napasok namin ‘yung ganito na ‘Ah, may masarap, meron pa palang ganitong buhay. Kasi masaya na kami noon Tito Boy eh. ‘Yung simpleng bagay na kumakain kayo nang sabay-sabay minsan, masaya na kayo na parang ang sarap-sarap ng pagkain niyo, may tuyo. Tapos ‘yung bahay ninyo kahit hindi naman ganu’n kaganda, ang importante magkakasama kayo,” patuloy niya.

Naka-relate sa kuwento ni Sanya si Tito Boy, na galing din sa mahirap na buhay.

“Alam mo kung bakit kita naiintindihan? Galing din po ako sa napakahirap na pamilya. Hindi rin kami mareklamo dahil akala namin katulad namin ang lahat. Totoo ‘yon. Noon ‘pag may asin nilalagyan ng kalamansi tapos kalamay ang tawag sa amin, ‘yung ulam na matamis. Ang akala namin lahat ganu’n,” pagbabahagi ni Tito Boy.

Kaya naman noong unang kumita nang malaking halaga, ibinahagi ito ni Sanya sa kaniyang ina.

“Kumain kami sa isang fastfood. Ang sabi ko ‘Ma masarap pala ito!’” natatawang sabi ni Sanya. “Usually kumakain lang kami sa fastfood kapag birthday ko, kung sino ang may birthday, graduation. ‘Yun ang treat namin sa isa’t isa,” ani Sanya na bibida sa upcoming series na “Mga Lihim ni Urduja.”

Bilang isang kapatid kay Jak, si Sanya ang tipo na magpapayo na dapat nitong harapin ano man ang pagkakasala.

“Nandoon ako Tito Boy sa nagkasala ka at dapat nating harapin ‘yun para matuto ka next time. Kasi alam mong nagkasala ka, hindi mo puwedeng balewalain ‘yun. Nagkamali ka dapat harapin mo ‘yan. At alam mo dapat kung paano rin itama ‘yan,” anang aktres.

“Lahat lalabanan ko, hangga’t alam ko na kami ‘yung nasa tama o ako ‘yung nasa tama, at alam kong wala akong inaapakan at inaagrabyadong ibang tao,” sabi pa ni Sanya.--FRJ, GMA Integrated News