Kung ang iba ay problema ang mahabang buhok sa kili-kili at mga binti, may ilang tao naman ang nayayamot sa mahaba nilang buhok sa ilong o kung tawagin ay tutsang. Ang iba, binubunot nila ang buhok sa ilong at may gumagamit pa ng wax. Ngunit ligtas ba itong gawin?

Sa isang episode ng “Pinoy MD,” ipinaliwanag ng ear nose and throat specialist na si Dr. Michael Vera Cruz, na may silbi ang buhok sa ilong o nasal hair dahil sinasala nito ang hangin na ating nilalanghap.

“Kung may dust particles, pollens, allergens, ma-filter out ito. It’s really created to do those functions para maprotektahan din ang loob ng ilong natin pati ‘yung baga natin,” paliwanag ni Dr. Vera Cruz.

Kaya naman walang dapat ipag-alala ang isang tao kung mahaba ang buhok sa ilong dahil hindi rin ito nakasasagabal sa paghinga. Iyon nga lang, hindi magandang tingnan para sa iba kapag may sumisilip na buhok sa ilong. 

Ang 28-anyos na si Darryl Guevarra, nakahiligan nang bunutin ang mahaba niyang buhok sa ilong. Palagi raw kasing lumilitaw ang mga buhok niya sa ilong lalo na sa tuwing siya ay ngingiti.

Kaya naman ginawa na niya ang ilang paraan tulad ng paggupit at pagbunot sa mga ito. Hanggangsa sinubukan niya na rin ang nose waxing.

Ngunit ayon sa mga eksperto, posibleng magdulot ng komplikasyon ang pag-wax o pagbubunot ng mga buhok sa ilong.

“Number one is infection, or may tinatawag po tayo na hair ingrown. Kapag hinihinala natin ‘yung buhok natin, puwedeng mag-retract ‘yung hair follicle sa loob at pag tumubo po ito it will grow underneath the skin,” paliwanag ni Dr. Vera Cruz.

Dagdag ni Dr. Vera Cruz, posible itong magdulot ng furnucolosis o impeksiyon sa hair follicle, na siyang delikado dahil bahagi ng “danger triangle” ng mukha ang ilong.

Ito ay dahil may mga ugat sa ilong na konektado sa utak kaya kung hindi maaagapan, maaaring kumalat ang impeksyon papunta sa utak at magbunga ng brain abscess o meningitis.

Payo ni Vera Cruz, para mabawasan ang mga tutsang, mainam na gupitin na lang ito.-- FRJ, GMA Integrated News