Muntik nang mabaril ng isang pulis ang isang grupo ng kalalakihan na nagsagawa ng prank na kidnap sa Las Piñas. Matapos kasing isakay ng mga prankster ang kunwari nilang biktima, rumesponde ang nakasibilyang pulis na residente sa lugar at may hawak na baril.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong Abril 6 sa isang mataong lugar sa Las Piñas City.

Sa video, makikitang pumarada ang isang kotse, at bumaba ang ilang lalaki na naka-bonnet. Hinatak nila sa loob ng sasakyan ang isang lalaki na nakatayo at isinakay sa kotse.

Pero bago makaalis ang kotse, rumesponde ang nakasibilyang pulis na si Police Staff Sergeant Ronnie Conmigo ng Integrity Monitoring and Enforcement Group.

Residente sa lugar si Conmigo na armado ng baril at tinutukan ang mga prankster. Kaagad namang nagsisigaw ang grupo na prank lang ang ginawa nila.

Ang isa, nagtangka pang lumapit kay Conmigo kaya lalong naalarma ang pulis.

“Hanggang sa nagsabi na lang na, 'Sir prank ito! Prank ito!' Gumaganoon sa akin. Medyo nahimasmasan ako. Sabi ko, madidisgrasya ko pa ang mga ito,” sabi ni Conmigo.

Galit si Conmigo na 26 na taon na sa serbisyo dahil muntik na niyang madisgrasya ang mga prankster para lang may mailagay na content sa kanilang vlog.

“Kung iba po yun sakaling trigger happy yung pulis o may iba pang hindi pulis nabaril sila,” ayon pa kay Conmigo.

Dahil sa nangyari, nagsampa si Conmigo ng reklamong alarm and scandal laban sa limang vlogger.

“Para hindi na po maulit yung ginagawa nila sir kasi maraming gumagaya pangit din sa mata ng bata 'yon tsaka napaka delikado sir,” paliwanag ng pulis.

Babala ng Philippine National Police (PNP), maaaring masampahan ng kasong kriminal ang mga gumagawa ng prank lalo na kung tungkol sa krimen.

“Binabalaan po natin yung mga vloggers at yung mga pranksters na 'wag po nating gawing biro ang mga vlogs and pranks about sa paggawa ng krimen sapagkat yan ay may kaukulang parusa sa Revised Penal Code Article 153, ito po ay nagkakaroon ng kulong, may kulong po ang penalty dito na anim na taon,” ayon kay Police Colonel Redrico Maranan, PNP Chief PIO.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng mga vlogger.— FRJ, GMA Integrated News