Arestado ang isang 33-anyos na lalaking bumaril sa kanyang nakaalitan sa Quezon City noong nakaraang taon.

Iniulat ng Unang Balita nitong Biyernes na aminado ang suspek sa krimen pero nagtataka umano ito kung bakit may kaso pa siya gayung nagkasundo na raw sila ng biktima.

Sa ulat ni James Agustin, sinabing hinuli ng mga pulis ang suspek sa bisa ng isang arrest warrant.

Ayon sa mga pulis, binaril umano sa paa ng suspek ang kanayang nakaalitan noong Nobyembre 2022. 

Nagsampa ng reklamo ang 23-anyos na biktima na kakilala ng suspek.

Ayon sa suspek, hindi niya alam na may arrest warrant sa kanya, at nagtataka siya kung bakit may kaso siya gayung nagkasundo na sila ng biktima.

"Aminado ako sa krimen. Yung biktima kasi magulo yun, sikat na magnanakaw sa lugar namin. Ninakaw niya ang scaffolding ng tinitirhan ko, at pati ang kapitbahay naming tindahan kinuhanan niya ng pagkain. E, ako yung kargo sa mga gamit ng tinitirhan ko. Kaya, binaril ko siya sa paa, pinilayan ko para madala," ayon sa suspek.

Wala pang pahayag ang biktima sa alegasyon ng suspek. —LBG, GMA Integrated News