Ang isang pangkaraniwang lang sanang pagre-record ng isang babae ng content para sa Tiktok, nauwi sa kababalaghan nang may tumawag sa kaniyang pangalan kahit mag-isa lang siya sa bahay.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita si Melody Rose na nasa harap ng camera dakong 9:00 ng gabi, at nagre-record na ng kaniyang content nang bigla siyang matigilan.

Nadinig niya kasing may tumawag sa kaniyang pangalan, at nai-record din ang tinig na may bumanggit ng "Melody."

BASAHIN: Banyo ng isang apartment sa Cebu, minumulto?; hagulgol ng babae, nai-record

Noong una, sumagot pa si Melody nang madinig niya na may tamawag sa kaniya. Pero bigla na siyang natigilan nang mapagtanto niya na mag-isa lang siya sa bahay, at tanging pusa lang ang kaniyang kasama.

"I swear I  hear it," saad niya Melody na madidinig din sa nai-record niya na tila may mga yapak sa kuwarto.

BASAHIN: Rebulto ni Virgin Mary sa Italy, lumuha umano ng dugo; pero sinabi ng Simbahan na 'di ito totoo

Dahil sa takot, umalis siya ng bahay at umuwi na lang nang dumating na ang kaniyang room-mate.

Aminado si Melody na matatakutin siya kaya bukas ang ilaw kapag natutulog siya.

Dahil walang maisip na paliwanag kung saan nanggaling ang tinig na bumanggit sa kaniyang pangalan, kinumbinsi na lang niya ang sarili na ang pusa niya at hindi multo ang kaniyang nai-record.

"Maybe it was my cat and she sounds like a human sometimes," sabi ni Melody, na hindi pa rin maiwasan na makaramdam ng takot.-- FRJ, GMA Integrated News