Isang fetus ang natagpuan sa sahig sa loob ng isang banyo ng isang kolehiyo sa Daraga, Albay. Sa Cotobato naman, dalawang bagong silang na sanggol ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, sinabing nabulabog ang mga estudyante guro at mismong pamunuan ng isang kolehiyo sa Daraga matapos matagpuan ang fetus sa loob ng banyo noong Mayo 13.
Sinabi ng Daraga municipal police station na isang estudyante ang unang nakakita sa fetus.
Agad dinala sa ospital ang fetus na napag-alamang tinatayang nasa 10 linggo pa lamang.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad sa insidente upang malaman kung sinadya ang pagpapalaglag ng naturang fetus at para malaman ang taong nasa likod nito.
Sinisikap ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia na makunan ng pahayag ang pamunuan ng paaralan.
Isa namang buhay na sanggol na babae ang inabandona sa Barangay Poblacion sa Kidapawan City.
Natagpuan ang sanggol ng isang manggagawa sa likurang bahagi ng multicab.
Nasa pangangalaga na siya ng City Social Welfare and Development Office na nakatakda ring dalhin sa shelter ng lungsod.
Sa Barangay Poblacion naman sa Makilala, isang sanggol na lalaki rin ang inabandona sa isang tindahan.
Nakakabit pa ang umbilical cord ng sanggol, na dinala sa rural health unit na malusog at walang kapansanan.
Nasa pangangalaga na siya ng municipal social welfare and development office at dadalhin sa shelter sa Koronadal City. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
