Nagdulot ng kilabot ang video ng isang lalaki sa Naga City, Cebu nang mai-record niya ang tunog na tila hagulgol ng isang babae na nagmumula sa banyo ng tinutuluyan niyang apartment. Ang kilabot, nadagdagan pa nang kusang bumukas ang pintuan ng banyo na mag-isa.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Ryan Lumiguid na nangyari ang insidente noong Pebrero 25 dakong 10:00 pm.

"Nag-open bigla ang pinto kahit naka-lock siya. Nagulat ako what if open yung bintana doon tapos may ibang tao, hindi natin alam kung magnanakaw ba o hindi," saad niya.

Kahit natatakot, pinasok ni Ryan ang banyo at nang tingnan niya ang loob, walang tao at sarado ang bintana.

Sa ibang pinapaupahang bahay sa loob din ng compound dating nakatira si Ryan. Pero hindi raw naging panatag ang kalooban niya rito dahil may palaging nagpapakita sa kaniyang panaginip na babaeng mahaba ang buhok.

Pero sa nilipatan niyang apartment, nagkaroon naman ng pagpaparamdam ang pinaniniwalaan din niyang babae.

Noong nakaraang Martes lang, muling nagbukas ang pinto ng banyo dakong 5:00 pm. At kinagabihan, sinasabing sinaniban si Ryan at hindi niya malaman kung ano ang nangyari sa kaniya.

Sa pag-asang mabibigyan ng paliwanag kung ano ang hiwagang bumabalot sa banyo ng apartment ni Ryan, binisita siya ng paranormal researcher na si Ana dela Cruz.

Dito, sinabi ni Ana kay Ryan na may "babae" siyang kasama sa bahay at naglalagi ito sa banyo.

Inilarawan ni Ana ang misteryosong nilalang na babae na nakaputi at maganda.

Sino o ano kaya ang babae na ito sa buhay ni Ryan, at ano rin ang paliwanag ng video director at physics instructor sa nakuhanan ng video na tila hagulgol at pagbukas ng pinto.

Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News