Hindi napigilan ni Keempee de Leon na maging emosyonal nang ikuwento ang tungkol sa paghingi niya ng tawad at pagkaka-ayos nila ng kaniyang magulang na sina Joey de Leon at Daria Ramirez.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, sinabi ni Keempee na ang pagkakabati nila ng kaniyang mga magulang ay bunga ng kaniyang mga panalangin at pagbabasa ng Salita ng Diyos.
“So lumalabas sa akin almost everyday na 'yung reconciliation. Even sa church, about reconciliation, restoration. Sabi ko ‘Lord, ano ba ‘to? You're telling me something about this reconciliation.’ Naiisip ko agad, daddy ko. Then 'yung friend ko na nagdi-disciple sa akin sabi niya, ‘Bro, it's time, lapitan mo 'yung dad mo,’” kuwento ni Keempee.
Gayunman, sinabi ni Keempee noon na ayaw niyang pangunahan ang Panginoon at dadating ang tamang panahon.
Kalaunan, naisip ni Keempee na Father’s Day ang pinakamagandang panahon para makipag-ayos sa ama.
“Doon nag-manifest sa akin, parang, sabi ko, ‘Lord, just give me the courage and strength na harapin si daddy. Kung pagalitan ako, tatanggapin ko. Sigawan man ako, sa harapan ng tao, okay, tatanggapin ko. I'm doing this for my dad and for You, not for myself. Ang gusto ko, maging maayos na kami, mag-reconcile kami,” kuwento niya.
Binalikan ni Keempee ang mga nangyari nang bisitahin niya si Joey sa set ng isang noontime show.
“Si daddy, nakaupo na sa audience, he was holding the mic. Sabi ko, ‘Dy! ‘Dy’ (maikling tawag ni Keempee kay Joey para sa salitang daddy.) Sabi ko, ‘Lord, ikaw na ‘to,’ sabi ko, ‘Eto na.’ ‘Dy.’ Tapos gumano’n lang siya, ‘yung reaction niya ‘O!’ ‘Si Keempee ito.’ Total silence. Wala siyang sinabi,” patuloy ng aktor.
“Lumapit ako, niyakap ko na lang. ‘Happy Father's Day, Dy!’ Sabi ko, ‘Binati lang kita. Sinadya talaga kita,’” sabi ni Keempee.
Babalik na sana sa live taping si Joey, ngunit hindi na niya tinapos ang show at binitawan na ang mic. Kinumusta nito si Keempee at tinanong kung may promo ito.
“Sabi ko, ‘Hindi wala.’ Sabi ko, ‘Sinadya lang talaga kita. Binati lang kita ng Father's Day kasi Father's Day ngayon.’ Wala na akong ibang inisip Tito Boy that time, hindi ko nabanggit 'yung problema, kahit siya. Kumbaga, nangyari na lang bigla. By God's grace, kuwentuhan lang kami, casual na kuwentuhan. Hanggang sa natapos 'yung show, hindi na siya bumalik,” patuloy niya.
Nagsimula nang maging emosyonal si Keempee nang iparamdam sa kaniya ni Joey na maayos na ang lahat.
“Hinatid ko siya sa kotse. Nu’ng sumakay na siya, bigla siyang bumaba ulit. Gumaniyan (nakipagkamay) lang siya sa akin. Doon pa lang, parang naramdaman ko na, okay na tayo. Kalimutan natin kung ano 'yung nangyari,’” naiiyak na kuwento ni Keempee.
“Doon ko lang naramdaman ang connection ulit na, ‘Salamat po.’ Kundi puro pasasalamat lang sa Diyos, Tito Boy, 'yung binabanggit ko. ‘Salamat po, Lord. Ikaw ‘to. Hindi ako. Ikaw ang gumawa ng way. Your timing is perfect,’ sabi nga," saad ni Keempee.
“Niyakap ko siya, sabi ko, ‘I love you, Dy. Thank you!’ ‘Oo, basta kita pa rin tayo,’ sabi niyang gano'n. Sabi ko, ‘Bisitahin pa rin kita dito’ sabi ko gano'n,” dagdag niya.-- FRJ, GMA Integrated News