Hindi napigilan ni John Arcilla na maging emosyonal nang balikan ang pagkawala ng kaniyang ama at dalawang kapatid noong COVID-19 pandemic.
Sa kaniyang guesting sa “Kay Susan Tayo! Vlogs,” nagbalik-tanaw si John sa mga dagok sa kaniyang buhay bago nakamit ang Best Actor award mula sa Venice International Film Festival.
“Nasa ano ako nu’n, lock in taping. Medyo masakit kasi 'tong part na 'to. Kasi nu’ng pandemic nawala 'yung tatay ko tapos 'yung kuya ko, tapos 'yung bunsong kapatid namin because sa COVID. So medyo itong part na 'to ng life ko is talagang medyo mabigat,” panimula niya.
Matatandaang pumanaw ang ama ni John dahil sa heart failure noong 2020. Samantala, pareho namang nagpositibo sa COVID-19 ang kaniyang mga kapatid na sina Emmanuel at Teresa bago pumanaw noong 2021.
“Siyempre mauuna mga kapatid ko sa akin, mauuna ang mga magulang ko sa akin. So ine-expect ko meron akong kapatid na bunso na kasama sa buhay hanggang sa pagtanda mo,” sabi ni John.
Kuwento niya, siya ang kausap at nagbibigay ng payo sa kaniyang pamangkin nang magkaroon ng emergency ang kaniyang kapatid na si Teresa.
“Ang sakit, sobrang masakit kasi ako mismo ang kausap sa telepono ng anak niya, ng kambal. ‘Ah tito, tito, si mommy!’ ‘Humanap kayo ng sasakyan, tumawag kayo ng ganito.’ Ako 'yung nagbibigay ng instruction,” saad niya.
“Naririnig kong lahat 'yun, chaos. Pagdating sa ospital, ‘Wala po, ayaw po nilang tanggapin si mommy.’ ‘Kinuha na si mommy’ ‘Si mommy, si mommy!’”
“Lahat 'yun nasa taping ako,” maluha-luhang pag-alala ni John.
Kalaunan, nalagay na sa alanganin ang buhay ng kaniyang kapatid.
“Sabi niya ‘Si mommy, kumaway sa akin nakangiti siya.’ Tapos sabi niya hindi na siya huminga. So sabi ko, nasa gitna ako ng taping,” patuloy ni John.
Dahil sa pangyayari, hindi malaman ni John kung ipagpapatuloy pa ang trabaho.
“Sabi ko, ‘Aalis ba ako nito?’ Sabi ko, namatay ang father ko tapos 'yung kuya ko tapos ito bunso. Hindi ko kaya,” sabi niya.
Maging si John, nagkaroon din ng mild COVID-19 bago ang awards night.
“Wala na akong naramdaman kahit ano eh. Bago i-announce, tiningnan ko na 'yung rosters ng mga nanalo. Nag-post pa ako. Sabi ko, ‘Ang sarap sanang manalo,’” saad niya.
Matatandaang gumanap si John sa “On the Job: The Missing 8” sa direksyon ni Erik Matti.
Hindi pa man nananalo, hinikayat na ni Direk Erik na gumawa si John ng speech.
Nu’ng malapit ng mag-umpisa, sabi sa akin ni Erik, sabi niya, ‘John subukan mo gumawa ng speech.’ Sabi niya, ‘Kasi baka mamaya maka-receive kayo' hindi naman natin alam.”
Dumaan man sa dagok pagdating sa pamilya, nabiyayaan naman si John nang matanggap niya ang Volpi Cup for Best Actor sa naturang festival.
“Ayokong mag-assume eh. Gumawa na ako ng speech tapos natulog na ako. Nagising ako 'yung ‘yung phone ko ‘Ting, ting, ting, (dumating ang notifications). Ganu’n nang ganu’n ‘yung thread ng mga Messenger. Sabi ko, wala namang tatawag sa’yo kung hindi ka nanalo eh,” kuwento niya.
“Wala namang magte-text sa ‘yo sasabihin ‘Uy, natalo ka!’ Meron bang gano’n? Sabi ko, ‘This is it! Sabi ko, ‘I mean, man, heaven.”
“Surreal,” paglalarawan ni John sa kaniyang pagkapanalo. “Parang panaginip pero totoo.” – FRJ GA News
