Kinondena ng TV host na si Boy Abunda ang mga host ng comedy podcast na “Machong Chismisan” kaugnay sa kumalat online na video clip na pinagtatawanan nila ang anak ni Kris Aquino na may kapansanan na si Josh.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules, inilarawan ni Tito Boy ang ginawang mga pahayag ng Machong Chismisan hosts na malupit at nakasasakit, hindi lamang kay Josh kundi maging sa iba pang persons with disabilities (PWDs) at sa kanilang mga pamilya.
“This is very difficult for me po mga kaibigan. Dahil where do I even start? Nakakagalit,” sabi ni Tito Boy.
Nagsimula ang kontrobersiya sa isang episode ng “Machong Chismisan” na may titulong “Ang Pagbabalik Ni Kris Aquino,” na binura na mula sa internet. Sa naturang episode, ikinumpara ng isa sa mga host si Josh sa nakababatang kapatid nitong si Bimby.
Inilarawan ng isang host na “sobrang okay na anak si Bimby,” habang wala umanong kuwenta si Josh, at nakatunganga lang.
Madidinig din ang tawanan ng mga host sa kanilang paksa.
Malupit
Pag-amin ni Tito Boy, hindi niya pa napapanood ang buong episode ng podcast. Pero ipinagtataka niya kung papaanong nagawa ng mga host na tingin niya ay mga edukado na magsalita ng naturang bagay sa taong may kapansanan.
Isang person with special need si Josh.
“Hindi ko alam how this bunch of podcasters, na mukhang matatalino, edukado, ay magagawa ang ganitong ka-cruel na komentaryo,” sabi ni Tito Boy.
Masakit umano ang ginawang pagkumpara sa magkapatid.
“Ang masakit he was being compared to Bimb. ‘Nakatunganga lamang, walang kuwenta.’ And you're talking about a young man with a disability. You're talking about a special boy,” ani Tito Boy. “Enlightened lang ng konti, mahal na mahal si Josh ng pamilya Aquino. Mahal na mahal si Josh ni Kris. Mahal na mahal si Josh ng dating pangulo si President Noy Aquino.”
Ibinahagi ni Boy ang ginawa niyang pagbisita noon kay Kris sa United States at naalala niya ang tungkulin ni Josh sa bahay.
“Alam niyo pa si Josh kung ano ang trabaho, kung ano ang kaniyang assignment? Sa bawat simula ng araw, he would gather everybody in the house and lead the prayer,” ani Boy. “Hindi po walang silbi si Josh. Mali po ang inyong ginawa.”
Idinagdag pa ni Tito Boy na ang mga pahayag ng mga host ay hindi lang masakit para sa pamilya Aquino, kung hindi maging sa ibang pamilya na nagtataguyod ng batang may kapansanan.
“Labag sa batas ng Diyos at sa batas ng tao ang inyong ginawa,” patuloy ni Tito Boy, na binanggit ang posibilidad ng legal action laban sa podcast hosts, kaugnay ng umiiral na batas na Republic Act No. 9442, at inamyendahang Magna Carta for Disabled Persons.
Kung tatanungin umano siya ni Kris, ipapayo niyang kasuhan ang mga podcast host.
Sa huli, inihayag ni Tito Boy ang suporta at pagmamahal kay Josh, na isang mabuting bata.
Paghingi ng paumanhin ng The Pod Network 'Machong Chismisan'
Kasunod ng pangyayari, naglabas ng pahayag ang The Pod Network, ang producer ng “Machong Chismisan,” upang humingi ng paumanhin.
“We have received concerns from listeners about remarks made about a person with a disability in a recent episode of Machong Chismisan. We take these concerns seriously,” saad sa pahayag.
“Persons with disabilities and neurodivergent individuals deserve dignity and respect, and that includes how they are talked about on our shows. We are sorry for the hurt this has caused.”
Nilinaw ng network na hindi nangangahulugang sumasalamin sa pananaw nito ang mga pahayag ng mga creator. Gayunman, kinilala nito ang responsibilidad bilang platapormang namamahagi ng programa.
“Our creators speak in their own voices, and their views do not reflect those of the network. But as the platform that carries their shows, we should still be mindful of what we share with the public,” anito.
Kinumpirma rin ng The Pod Network na tinanggal na ang episode habang sinusuri nila kung paano ito nailabas.
Sinabi rin nito na pinatitibay nila ang mga proseso at pormal na bumuo ng editorial guidelines para sa lahat ng programa, lalo na sa mga paksang may kinalaman sa may kapansanan, mental health, mga menor de edad, mga miyembro ng pamilya ng mga public figure at iba pang sensitibong usapin.
Naglabas din ng pahayag ang “Machong Chismisan” at kinumpirmang tinanggal nito ang Season 29, Episode 20 na inilathala noong Oktubre 5.
Ayon sa podcast, na nagsimulang umere noong 2014, na layunin nitong magbigay ng katatawanan sa mga host, bisita at tagapakinig.
Gayunman, kinilala nito na hindi katanggap-tanggap ang ilan sa mga pahayag sa binurang episode.
“It has since become clear to us that some remarks made during the deleted episode were inexcusably insensitive and hurtful,” saad sa pahayag. “To prevent any further harm to all parties involved, we have removed the episode and ceased to publicize clips pertaining to it.”
Humingi rin ng paumanhin ang podcast sa mga nasaktan sa episode, sa komunidad ng mga PWD at sa mga taong nabanggit sa talakayan. Sinabi rin nitong pribado itong makikipag-ugnayan sa mga sangkot upang malaman kung paano maitatama ang pagkakamali at makakabawi sa mga naapektuhan.
Sa mga susunod na episode, sinabi ng programa na magiging mas maingat ito sa pagsusuri ng mga palabas at sa agarang pagtugon sa mga pahayag na maaaring makasakit sa iba.
Pirmado ang pahayag ng host na si Makoy Pare. —Carby Rose Basina/FRJ GMA News
