Sa paghupa ng baha at pagbabalik ng ilang residente sa kanilang mga bahay, dapat isaalang-alang ang paggamit ng appliances at outlet o saksakan ng kuryente. Ligtas na kayang gamitin ang mga ito matapos mabasa o mabaha? Alamin.
Sa isang episode ng programang “Unang Hirit”, binigyang-diin ni Engineer Robert Magulay, National President ng the Institute of Integrated Electrical Engineers of the Philippines, ang paggamit ng “common sense” at “presence of mind” sa ganitong sitwasyon.
“Ang una natin gagawin siyempre, tingnan natin to what extent ang tubig? Naabot ba 'yung mga outlet or nabasa ba 'yung mga appliances? So, ang first target natin is to switch off the main breaker, 'yung breaker,” payo niya.
Ngunit kung nabasa maging ang main breaker, dapat na umanong tumawag ng utility crew dahil maaaring pagmulan ito pagkakakuryente.
Mayroon umanong paraan ang utility crew para ma-switch off ito mula sa labas.
Sunod na dapat gawin ang visual inspection o pagsusuri sa nabasang outlet at appliances.
“When we talk of drying, it's not just hours. Minimum 24 to 48 hours. Talagang dry na dry siya,” ani Magulay.
Dagdag pa niya, maaaring tuyo man ang breaker sa paningin, posible pa ring basa ang loob nito kaya mainam na ipasuri sa eksperto o electrician.
Appliances
Ayon kay Magulay, kapag nalubog na talaga sa baha ang appliance gaya ng refrigerator, malaki ang posibilidad na masira na ito.
“Chances of repair is less,” sabi niya.
Pagdating naman sa TV na nalubog sa baha, dapat suriin ang motherboard, power board, semiconductors at resistors sa posibleng corrosion.
Tungkol sa mga electric fan, tingnan kung nabasa rin ng tubig ang cord nito. Kung hindi nabasa ang motor ng fan, puwede pa rin itong gumana.
“But again, to be safe, i-check mo, i-drive professionally. Hindi 'yung kunyari lang na tuyo. Kasi that is a motor,” sabi niya.
Ipinaalala rin ni Magulay na hindi batayan ang baba o taas ng boltahe ng kuryente sa isang bagay para masukat ang safety nito.
May kaniya-kaniya rin daw kategorya ang gloves na maaaring gamitin pagdating sa kuryente.
“Pero for us, ang [concern] lang naman natin dapat dry. Kasi, ang resistance for dry skin is 100,000 ohms. Pero, 'yung wet is 1,000 ohms. So, kung titingnan mo ang 220 voltage na sinasabi nila dahil 220 volts lang, low voltage, it is still a risk,” paalala niya.
“Kahit 50 volts lang yan, kung ang resistance mo, for example, is 1,000 dahil wet, that is 50 milliamps. And 30 milliamps can already be fatal,” dagdag ni Magulay.
Paalala niya, “And never assume na ang wet at saka electricity. Kasi sabi nga ng dalubhasa, water and electricity is equal risk for electrocution.”
Panoorin sa video ang buong pagtalakay sa naturang usapin.—FRJ GMA News
