Laking gulat ng isang kostumer ng Maynilad nang makita niya na umabot sa P100,000 ang water bill niya na dumating ngayong Hulyo.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing P100,427.48 ang buong bayarin ni Dominic Songco para sa Hunyo 20 hanggang Hulyo 20.

“Ano ‘to Maynilad!!!? Inflatable pool lang gamit namin… pero ‘yung bill niyo sa’min para kaming may resort,” saad ni Songco sa isang Facebook post.

Dagdag pa niya, hindi naman lumalampas sa P2,000 ang kanilang bill kahit sa mga panahong ginagamit ng mga anak niya ang kanilang inflatable pool.

“Every month, naglalaro lang po sa P1,200 ang aming bill. Ang pinakamalaki lang namin usually ‘pag ganiyang may inflatable pool kami every summer, July no’ng nag-birthday ang anak ko, P2,000 ang pinakamalaki,” kuwento niya.

Inamin naman ng Maynilad na nagkaroon ng pagkakamali sa pagbasa ng metro matapos nilang imbestigahan ang reklamo ni Songco.

“Iimbestigahan na lang namin ito at kung nakita na ‘yun talaga ‘yung actual na konsumo, ire-revise na lang namin. Tiyak na hindi ito aabot ng isang daang libo,” ayon sa tapagsalita ng Maynilad na si Zmel Grabillo.

Isolated case lang daw ang nangyari sa 1.4 milyon na kostumer ng Maynilad.

“Ang binabasa ng isang meter reader ay isang libo. Kung bubuuin ‘yung kaniyang binabasa sa isang araw, medyo marami-raming metro rin ito. May mga pagkakataon na nakakapag-input ng maling numero,” sabi ni Grabillo.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News