Natunton ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa loob ng New Bilibid Prison ang taong aarestuhin nila matapos na magpanggap na spokesperson ni presumptive president Ferdinand Marcos Jr. sa social media para makapangikil.

Sa mensahe sa mga mamamahayag nitong Martes, kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagkakaaresto kay Ryan Ace Castillejo, na kilala rin bilang Jose Villafuerte.

"Confirmed... suspect was traced by the NBI special action unit (SAU) at the NBP maximum security compound where he’s serving sentence for two counts of qualified theft,” ani Guevarra.

“Found in his possession were a mobile phone and notebooks containing names of possibly past or prospective victims,” dagdag ng kalihim.

Sa post-operation report ng NBI, sinabing nagpanggap ang suspek na siya si Atty. Vic Rodriguez sa Facebook at nanghihingi ng pera sa "BBM supporters" para umano sa relief operations.

Nagbigay umano ang suspek ng bank accounts sa kaniyang bibiktimahin para ipadala ang P120,000, na gagamitin umano para sa mga biktima ng bagyong Agaton.

“Presently, said FB account is defrauding unsuspecting victims through solicitations for an alleged victory party,” ayon sa post report ng NBI.

Hanggang sa natunton ng SAU ang pagkakakilanlan ng suspek at lumitaw na nakapiit ito sa NBP maximum security compound. Nakuha sa kaniya ang isang black notebook, isang green notebook, isang yellow notebook, tickle pad na walang cover, at isang kahit na nagsilbing taguan ng cellphone.

Walang SIM card na nakita sa cellphone.

Ayon sa NBI, makikipag-ugnayan ang SAU sa Bureau of Corrections para alamin kung papaano nakakagamit ng smartphone ang suspek sa loob ng NBP.

Aalamin na rin NBI ang tunay na katauhan ng suspek para sa isasampang mga kaso, kabilang ang cyberfraud. --FRJ, GMA News