Nagtamo ng sugat sa leeg ang isang rider matapos siyang sumabit sa nakalaylay na kable sa kalsada sa Pili, Camarines Sur.

Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Rene Plaza, 29-anyos.

BASAHIN: Rider, patay nang nalaslas ang leeg sa tali ng saranggola

Hindi raw napansin ni Plaza na may natumbang poste sa Maharlika highway sa Barangay Palestina, at may nakalaylay na kable sa kabilang bahagi ng kalsada.

Sa dashcam video ng isang motorista, makikita ang pagkakalaglag ni Plaza sa motorsiklo at nagpagulong-gulong siya sa kalsada. Nagtuloy pa sa arangkada ang motorsiklo bago natumba.

"Hindi ko po nakita kasi madilim na po doon sa part na 'yon. Hindi po mapapansin yung natumbang poste, mayroon pong nakalaylay na wire sa kabilang kalye po. Kaya nahagip ko po yung wire," kuwento ni Plaza.

Ayon sa pulisya, ito ang unang pagkakataon na may naaksidente sa lugar dahil sa nakalaylay na kable.

Nagpaalala ang mga awtoridad sa may-ari ng kable na maaari silang sampahan ng reklamong reckless imprudence lalo na kung may masasawi dahil sa kapabayaan.

Nilinaw naman ng Camarines Sur II Electric Cooperative na hindi sa kanila ang posteng natumba.--FRJ, GMA News