Patay ang isang padre de pamilya sa New Mexico, USA nang pagbabarilin siya ng mga pulis na rumesponde sa sumbong ng domestic violence. Pero lumitaw na maling bahay pala ang napuntahan ng mga awtoridad.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nangyari ang insidente noong Abril 5 sa Farmington, New Mexico. At batay sa inilabas na kuha ng body camera, may pagdududa na ang pulis sa bahay na kanilang pinuntahan ilang segundo lang bago mangyari ang trahedya.

Lumabas ang lalaking may-ari ng bahay na may dala umanong baril at kaagad siyang pinaputukan ng mga pulis. Nakipagpalitan din umano ng putok ang maybahay ng biktima sa mga awtoridad--na hindi umano kaagad nalaman na mga pulis pala ang nasa labas ng kanilang bahay.

Nasawi ang padre de pamilya na si Robert Dotson, 52-anyos. Hindi naman nasaktan ang kaniyang asawa.

Ang Farmington Police Department ang naglabas ng mga video mula sa mga body camera na suot ng tatlong pulis na nagpaputok ng baril.

"Once again, we wish to express our condolences to the Dotson family and as your chief of police, I wish to convey how very sorry I am that this tragedy occurred," saad sa pahayag ni Police Chief Steven Hebbe.

Hindi pa nakukuha ang panig ng kampo ng pamilya ng Dotson nitong Sabado, ayon sa ulat.

Sa video, makikita na isang pulis ang kumatok sa pinto ng bahay ng mga Dotson, at nagpakilalang awtoridad. Kasabay nito, nag-uusap ang dalawa pang pulis kung tama ba ang address na kanilang pinuntahan.

At nang mapagtanto nila na mali, lumabas ang isang lalaki mula sa bahay at may hawak umanong baril.

Madidinig ang pagsigaw ng pulis ng "Hands up!," na nasundan agad ng mga putok ng baril mula sa mga pulis at bumagsak ang lalaki.

Madidinig naman ang boses ng babae na napasigaw ng "Oh my God!," habang sumigaw naman ang isang pulis ng, "Please don't," at nasundan muli ng mga putok ng  baril.

Hindi umano alam ng misis ni Dotson na mga pulis ang nasa labas ng kanilang bahay. Hindi siya sinampahan ng kaso ng mga awtoridad.

Mayroon umanong tatlong bata sa itaas ng bahay nang mangyari ang insidente.

Hindi inilabas ng pulisya ang pangalan ng tatlong pulis na sangkot sa insidente. Isinailalim sila sa paid leave habang patuloy ang imbestigasyon.

Ayon kay Hebbe, ipinapanood muna sa pamilya Dotson at kanilang abogado ang video bago ito inilabas sa publiko. —Reuters/FRJ, GMA Integrated News