Ang pangungulila ng mag-ina sa pumanaw nilang padre de pamilya, nahaluan ng pangamba dahil sa pagpaparamdam umano nito at nasundan pa ng ibang kababalaghan. Kaluluwa nga kaya ng ama ang nagbalik o ginamit lamang ng ibang nilalang?

Sa kuwentong Dapat Alam Mo!, sinabi ni Aling Rosalinda Musnit na taong 2021 nang pumanaw ng kaniyang mister. Pero tila hindi pa rin matahimik ang kaluluwa nito dahil nagpaparamdam umano sa kanilang bahay.

“Dito sa bahay may sumisitsit sa akin. Hindi ako makatulog, gabi-gabi ‘yan, walang pinipiling araw. Noong namatay na siya, kinabukasan, may sumisitsit na kapag humihiga ako o nakaupo,” sabi ni Rosalinda.

Binalewala niya lamang ito noong una, hanggang sa napapadalas na ang pagsitsit sa kaniya. Dahil sa takot, nagtataklob na lamang siya ng kumot.

Nagparamdam din umano ang kanilang padre de pamilya sa anak niyang si Jonathan, na nag-alaga sa ama ng tatlong taon bago ito pumanaw.

Ngunit bukod sa kaluluwa ng kanilang padre de pamilya, nakararamdam din umano si Jonathan ng iba pang kakaiba sa kanilang bahay. Gaya ng usok, isang babaeng dumudungaw sa pintuan, at hangin na lumalabas mula sa kanilang banyo.

Nang komunsulta sila sa albularyo, sinabi nitong tirahan ng mga espiritu ang kanilang bahay. Bigo rin itong maitaboy ang mga espiritu na gumagambala sa bahay.

Kaya naman nagpatulong na ang mag-ina at pinuntahan ng paranormal researcher na si Ed Caluag sa tahanan ng mga Musnit. Kaagad naman niyang napansin ang isang salamin sa hagdanan at nakatapat sa pintuan.

“Dito pa lang medyo merong kakaiba. Ito ‘yung tinatawag natin na open portal. Kung mapapansin niyo po nagsasaluhan ‘yung dalawang mirror doon sa baba at saka dito,” paliwanag ni Ed.

Pagpasok naman ni Ed sa isang kuwarto, may narinig siyang yabag, at tinig ng isang dumadaing na tila senyales ng isang taong matagal na nagkasakit.

Mayroon pa siyang nakitang isa pang salamin na nagsisilbi rin umanong pintuan ng mga elemento.

“‘Yung babaeng lumalakad, umaakyat, may ganoong energies eh,” dagdag ni Ed.

Nagsagawa si Ed ng ritwal sa mga salamin na pinagmumulan umano ng mga pagpaparamdam.

Nang makausap ni Ed ang mag-ina, nalaman niyang walang taong namatay mula sa kwarto kung saan naririnig ang mga pagsitsit.

"Ibig sabihin hindi taga-rito ‘yung mga nandoon sa itaas. Lahat po ‘yan ay mga nanggaling sa mga open na portal,” paliwanag ni Ed.

Inihayag din ni Ed ang isang kaluluwa na ng lalaki na nakikita niya sa bahay.  Nang ipikita sa kaniya ang larawan ng padre de pamilya, kinumpirma ni Ed na iyon nga ang kaniyang nakita.

Gayunman, may pag-aalinlangan si Ed kung ito ang tunay na kaluluwa ng padre de pamilya na patuloy sa pagpaparamdam sa bahay. Paliwanag niya, may pagkakataon na nagagamit ng ibang nilalang ang kaluluwa ng mga taong pumanaw na.

Tunghayan ang buong kuwento ng kababalaghan sa video ng “Dapat Alam Mo!” --FRJ, GMA Integrated News