Sa simpleng pag-"mine" lamang online, maaari nang makuha nang libre ng ibang tao ang pre-loved appliances at items na hindi na ginagamit o kasama na sa pag-declutter ng mga nagmamay-ari nito.

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinampok ang Facebook group na Declutter Manila, kung saan tila maaari nang mag-online shopping ang mga miyembro sa dami ng kagamitang ipinamimigay nang libre, kabilang ang furnitures, damit, sapatos, laptop, libro at school supplies.

Ngunit may patakaran na paunahan ng "mine" sa mga post, at sagot ng pagbibigyan ang courier fee.

Isa sa mga ipinamimigay na ang kaniyang mga damit si Kenn Larracas, na nagpasiyang i-donate na ang 18 piraso ng luma pero maayos pa niyang mga damit.

"Advocate ako ng zero waste lifestyle. I am trying na mag-live ng minimalist lifestyle. Naisip ko na why not ibigay na lang ito sa ibang tao na nangangailangan para magkaroon ng bagong buhay 'yung gamit ko. Just give it for free na lang din sa ibang tao," sabi ni Kenn.

Masayang tinanggap ng taga-Pasay na si Mediatrix Lorenzo ang mga damit ni Kenn.

Kung may inaabang-abangan man sa mga decluttering group, ito ay mga appliances.

Isang mapakikinabangang washing machine naman ang ipinamigay ni Vivienne Navarro sa ibang tao.

"Ang sabi ko ipamigay na lang. Na-enjoy ko na kasi every time na I post, somebody is already responding na 'I need that po. Thank you po.' May discernment nafi-feel mo na this person really needs it," sabi ni Vivienne.

Natanggap ni Edzen Love Puzo-Labitigan ang washing machine ni Vivienne na bagama't luma na, mapakikinabangan pa.

Bukod sa Declutter Manila, meron na ring decluttering group sa iba't ibang panig ng bansa.

"Ang dami mong gamit pero hindi mo naman kailangan. It might be useful for other people. Everyone's not feeling well, there's a lot of people na na-depress o nagka-anxiety attack. It makes you happy din to make a difference," sabi ni Vivienne. – Jamil Santos/RC, GMA News