Bata pa lang daw si "Mylene," hindi niya tunay na pangalan, may mga kakaibang nilalang na raw siyang nakikita na hindi nakikita ng iba. At kabilang dito ang mga "taong anino."

Sa istorya ni Kara David sa "Brigada," sinabing naninirahan sa isang barangay sa Davao si Mylene, na nagsabing noon pa man ay hindi niya maunawaan ang nangyayari sa kaniyang sarili dahil sa kaniyang mga nakikita at nararamdaman.

Karaniwan daw niyang nakikita ang mga elemento, at pagkaraan ay ang mga "shadow people."

Sa kanila lugar, naglipana raw ang mga taong anino na nasa apat na talampakan lang ang taas. Hindi naman daw nanggagambala ang mga ito pero pinili niyang huwag pansinin gaya ng payo ng mga matatanda.

Pag-amin ng isa niya kapatid, kung minsan ay nagkukuwento sa kaniya si Mylene pero hindi na niya pinapatapos dahil sa takot.

Ayon kay Mylene, palagi lang nakatingin ang mga taong anino at kung minsan ay lumalapit sa kaniya at may ibinubulong na hindi niya maintindihan.

Ang isang paranormal researcher, naniniwalang nagiging daanan o portal ng mga elemento ang creek na nasa likod ng tinitirhan nila Mylene.

Maaaring hindi umano lubos na bukas ang sixth sense ni Mylene kaya mga anino lang ang kaniyang nakikita.

Pero ayon sa isang pari, ang mga taong anino ay hindi mga multo kung hindi mga "fallen angel," o alagad ng kasamaan.

Bukod sa kakayahan ni Mylene na makakita ng mga kakaibang nilalang, sinabi niya na mayroon siyang "devil's tongue," o nagkakatotoo ang mga masasamang sinasabi niya sa isang tao.

Gaya umano ng nangyari sa kaniyang dating kinakasama na pinagsabihan niya noon na sana ay hindi na makalakad dahil sa sobrang, at nagkatotoo.

Kaya ngayon, iniiwasan daw ni Mylene na magalit upang hindi makapagbitiw ng masama. Pinipili rin niya ang kaniyang kaibigan.

Noon pa man daw ay nais na niya malaman kung ano ang nangyayari sa kaniya pero tutol ang kaniyang ama na magpatingin sila sa espesyalista dahil wala raw sa kanilang lahi ang maysakit sa pag-iisip.

Inilipat ng programa sa isang psychologist at isang psychiatrist si Mylene. Alamin sa video ang lumitaw sa kanilang pagsusuri.

--FRJ, GMA News