Sa murang edad na 10, hinarap ni Jamila Mae Lazo ang matinding pagsubok sa buhay dahil sa karamdaman niyang rare bone cancer na Ewing sarcoma. At sa gitna ng laban niya sa sakit, humuhugot siya ng tatag ng loob sa idolong K-pop sensation na "BTS."

Sa "Stories of Hope," sinabing tatlong taon na ang nakararaan nang matuklasang ang Ewing sarcoma kay Jamila Mae Lazo, na isang certified ARMY.

"Sa totoo po wala po kasing binibigay na stage sa amin noong time na 'yun. Sabi ng ENT ipa-check na namin sa onco. Parang hindi talaga kami makapaniwala na, siyempre, ang bata pa kasi niya. At the age of seven inoperahan siya, ang dami niyang pinagdaanan, which I know naman may plan si God para sa kaniya," sabi ni Ramarie Joy Jamen, ina ni Jamila.

Gayunman, hindi pinanghihinaan ng loob si Jam, dahil lagi siyang masaya kapag pinanonood ang Korean boy group na BTS.

"Magaling silang sumayaw, magaling po silang kumanta, at maganda rin po ang videos nila," sabi ni Jam.

"Napapasigla po nila ako at napapatawa sa tuwing nakikita ko po sila sa YouTube, sa Facebook at sa Tiktok," dagdag ng bata, na inilahad na "bias" niya si V.

Pangarap ni Jam na makapunta sa concert ng BTS, at maging doktor para makatulong sa mga taong maysakit.

Habang ginagamot sa ospital, pinadalhan si Jam ng grupong Titas of BTS at ng mga kaibigan ng kaniyang ina ng mga BTS merchandise para mapasaya ang bata.

"Doon ko napatunayan na grabe 'yung effect ng BTS sa tao, ultimo sa bata. Kasi noong time na 'yon kapag nakita niyo 'yung hitsura niya, parang down na down na sa sarili, under medication, hindi na siya nakakakain nang maayos," kuwento ni Ramarie Joy.

"Noong pinadala 'yung merch sa kaniya, tuwang-tuwa po talaga siya, as in sobrang ang saya-saya niya. Kaya grabe 'yung impact ng BTS sa kaniya talaga," dagdag niya.

At sa ika-10 kaarawan ni Jam, ipinaghanda rin siya ng Titas of BTS ng isang BTS-themed party. Nagpadala rin ang grupo ng tulong para sa patuloy na pagpapagaling ng bata.

Panoorin sa Stories of Hope ang madamdaming pagpapatahan ni Jam sa kaniyang ina, habang ikinukuwento nito ang hirap na pinagdadaanan ng bata dahil sa sakit.

--FRJ, GMA News