Papaano nga ba nagsimula at naging matagumpay na social media o internet sensation si Nuseir Yassin na kilala bilang si "Nas Daily?"
Isang Israeli-Palestinian vlogger si Nuseir na mayroong 20 milyong follower sa Facebook at mahigit tatlong milyong subscriber sa YouTube.
Nagawa na niyang makapaglibot sa iba't ibang bahagi ng mundo, makapanayam ang mga sikat, maipluwensiya at maging mga karaniwang mamamayan.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, hindi batid ni Nuseir kung bakit siya naging matagumpay na vlogger pero hindi raw niya ito makakamit na mag-isa.
Ibinahagi niya na hindi naging madali ang paglaki niya bilang isang “brown” person.
Sa kaniyang pangalan bilang vlogger na "Nas Daily," ang kahulugan ng “Nas" ay "tao."
Isinilang at lumaki si Nuseir sa Israel, ay nasa gitna ng apat na magkakapatid.
Kahit nakakuha ng magandang trabaho nang magtapos sa Harvard, pinili ni Nuseir na maglakbay sa iba't ibang bahagi ng mundo at gumawa ng mga video.
“I wanted to do something with the internet, something with social media. And so that’s why videos was the most powerful way to tell a message,” sabi ni Nuseir kay Jessica Soho.
“So I left my job and I started making videos every single day for a thousand days,” patuloy niya.
Nang tanungin kung ano ang “secret sauce” sa kaniyang tagumpay, sinabi ni Nuseir na hindi naman kailangan ang good looks para magpaabot ng mensahe sa mga tao.
“I think it’s because I scream. The way you talk dictates who listens. The voice, the volume, the pacing. It’s not even the looks,” aniya.
“What comes out of your mouth is a lot more important than how you look in today’s world and that’s why Nas Daily succeeded,” patuloy niya.
Limang taon na ang nakalilipas nang unang gumawa ng content si Nuseir tungkol sa Pilipinas.
Pero bakit nga ba gusto niya ang mga Pinoy, at bakit pinapayuhan niya ang mga Pinoy na sumigaw? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News