Matapos ang isang dekada ng pagiging Kapuso, inihayag ni Andrea Torres ang isang challenging role na hindi pa niya nagagawa at gusto niyiang subukan.
"Ang hindi ko pa nagagampanan, siguro isang role kung saan hindi ako ayos na ayos, 'yung talagang walang blower, walang makeup, gusto ko 'yung gano'n," sabi ni Andrea sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras."
Gumaganap si Andrea bilang si Diane, ang nag-iisang Kristiyano sa tatlong asawa ni Ismael (Dennis Trillo) sa "Legal Wives."
"First time akong binigyan ng assignment ng GMA na medyo gray 'yung character. Doon ko na-realize sa sarili ko na, ay gusto ko pala ng mga ganitong roles, 'yung medyo hindi ine-expect from me. Ang sarap din palang gulatin ang sarili mo kung saan mo siya kayang dalhin," dagdag ng Kapuso star.
Hindi napigilan ni Andrea Torres na maging emosyonal nang mag-renew siya ng kontrata sa GMA Network, kasabay ng kaniyang pagbababalik-tanaw sa higit 10 taon na niyang pagiging Kapuso.
Present online sa ceremonial renewal of contract ni Andrea sina GMA Executive Vice President and Chief Financial Officer Felipe Yalong; GMA Films President Annette Gozon-Valdez; Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth Rasonable; Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara, at iba pang officers ng Kapuso Network. —LBG, GMA News