Pumanaw na ang Pinoy bluesman at guitarist ng Juan de la Cruz Band na si Wally Gonzalez nitong Biyernes ng umaga.
Kinumpirma ito ng anak ni Wally na si John sa isang Facebook post.
"My father Wally Gonzalez Full passed away peacefully in his sleep earlier this morning. To his friends in the music industry and off, we are arranging for a short wake so that you can visit him post-cremation, as was his last wishes," ayon kay John.
Iniulat naman ng GMANetwork.com noong Enero na nagpositibo si Wally sa COVID-19 at nakaranas ng mild stroke.
Hindi naman idinetalye ni John ang sanhi ng pagkamatay ng kaniyang ama.
Sumikat si John sa kapanahunan ng Pinoy Rock. Isa ang guitarist sa mga bumuo ng Juan de la Cruz Band noong 1968 kasama ang drummer na sina Edmund "Bosyo" Fortuno.
Kalaunan, binuo ang banda nina Wally, singer-songwriter at drummer na si Joey "Pepe" Smith, at bassist na si Mike Hanopol.
Gumawa sila ng mga kanta ng pinagsamang blues at rock at naglabas ng hit songs tulad ng "Himig Natin," "No Touch" at "Titser's Enemy No. 1."
Nang maghiwa-hiwalay ang banda noong 1980s, inilabas ni Wally ang kaniyang solo record noong 1978 na naglalaman ng isa sa mga sikat niyang kanta na "Wally's Blues."--FRJ, GMA News