Kabilang ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa mga magiging hurado sa 70th Miss Universe pageant. Ano kaya ang katangiang taglay ng isang beauty queen na hinahanap niya?

Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit" nitong Lunes, ipinaliwanag ni Marian na ayaw niyang sabihin na may hinahanap siya sa isang kandidata.

"Ayaw kong sabihin na may hinahanap ako, pero mas excited ako na pumunta doon para mas ma-appreciate ko at masaksihan ang mga kagandahan ng mga kababaihan sa iba't ibang panig ng mundo," paliwanag ng aktres.

"Siguro, hindi lang 'yung kagadandahan nila, kung hindi siguro 'yung tapang din nila na maibalik ang humanity sa ating mundo sa kabila ng mga radikal na pagbabago na nangyari sa atin dahil sa pandemya," dagdag ni Marian.

Sabi pa ng aktres, "So I'm very excited na makilala [ko]silang lahat."

Dadalo si Marian sa ilang aktibidad ng Miss Universe sa Jerusalem sa Israel bago ang coronation sa December 12.

Nitong nakaraang linggo, nagpasalamat si Mariam sa pambihirang oportunidad na gawing siyang hurado sa prestihiyosong pageant.

"Minsan ka lang siguro mabigyan ng pagkakataong makabilang sa isang mahalagang okasyon kung saan doon magsasama sama [lahat], at siyempre, bitbit mo 'yung bandila ng [Pilipinas]," anang aktres.

"So, para sa akin, isang malaking karangalan siya, kaya naman buong-buong puso ko talaga tong tinanggap," sabi pa ni Marian.

— FRJ, GMA News