Napili si Marian Rivera bilang judge sa ika-70 Miss Universe pageant na gaganapin sa Disyembre 12, 2021 sa Israel. Ibinida naman niya ang iba't ibang gown na likha ng mga sikat na Pinoy at international designers.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita ang Instagram stories ni Marian kung saan elegant at gorgeous siya sa mga nilikha ng mga designer na sina Vera Wang, Francis Libiran, Andrea Tetangco, Mak Tumang, Marc Rancy, Jo Rubio, Chris Nick, Joe San Antonio at Steph Tan.

Fine, fresh at fierce si Marian na maging Miss Universe judge, ano man ang kulay at disenyo ng kaniyang look.

Kinumpirma ni Marian ang balitang isa siya sa mga judge ng Miss Universe nitong Biyernes.

"Minsan ka lang siguro mabigyan ng pagkakataong makabilang sa isang mahalagang okasyon kung saan doon magsasama-sama [lahat], at syempre, bitbit mo 'yung bandila ng [Pilipinas]," sabi ni Marian sa GMA News Online sa Zoom.

"So, para sa akin, isang malaking karangalan siya, kaya naman buong-buong puso ko talaga tong tinanggap."

Nakatakdang lumipad si Marian patungong Israel sa Disyembre 6, at makikibahagi sa ilang aktibidad bago ang grand coronation sa Disyembre 12.

Pambato ng Pilipinas si Beatrice Gomez, ang pinakaunang beauty queen na naglahad na kabilang siya sa LGBT+ community. – Jamil Santos/RC, GMA News