Inihayag ni John Lloyd Cruz ang kahandaan na muling makatrabaho ang kaniyang dating katambal sa mga pelikula na si Bea Alonzo.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, inihayag ni John Lloyd na umaasa siyang matutupad ang hiling ng fans na magkasama na sila ng aktres sa kaniyang next project.

"Ang tagal niya na nga eh. Ang tagal na po akong naka-standby Miss Bea," nakangiting saad ng aktor. "Waiting lang po, any time po on your cue."

Kasalukuyang naka-season break ang sitcom ni John Lloyd na "Happy ToGetHer," habang napapanood naman si Bea sa primetime series na "Start-Up PH," katambal si Alden Richards.

Sa nakaraang panayam sa "Updated With Nelson Canlas," sinabi ni Bea na bukod sa pelikula ay mayroon pang ibang plano tungkol sa reunion project nila ni John Lloyd.

Huling proyekto na magkasama ang dalawa sa "One True Pair" na endorsement film ng Jollibee Studios.—FRJ, GMA Integrated News