OPINION: Ask Atty. Gaby: Nangupit na delivery rider
“Uy, may parcel ka na naman? Araw-araw na yata ‘yan ah!”
Halos lahat tayo guilty na ata d’yan!
Minsan nga, kilala na natin ang riders sa dalas nating magpa-deliver ng mga binili online.
Pero paano kung ang riider na nag-deliver sa’yo, nangungupit pala?
Gaya nitong isang rider na dinakip sa pamamagitan ng citizens' arrest dahil umano'y nagnanakaw at nangungupit ng mga pini-pickup niyang damit.
Ang suspek, suking logistics rider na kumukuha ng kanilang ibinibentang damit sa Makati.
Ayon sa may-ari, napansin nilang hindi tugma ang kanilang imbentaryo.
May mga item din diumano na pinapalitan ng laman pagbalik sa kanila para sa refund. Imbes na damit, basahan, at malaking tipak na bato ang laman pagbalik sa kanila!
Nang tingnan sa CCTV, nakumpirma nilang ang rider ang kumukuha ng sobra-sobrang item, pero kulang diumano ang binabalik.
Ano nga ba ang sinasabi ng batas tungkol d’yan? Ask me, ask Atty. Gaby!
Atty., ano ba ang habol pareho ng seller at ng buyer kung ang rider na nag-deliver eh kinupit pala ang item?
Of course maaaring kasuhan ang rider ng theft sa ilalim ng Revised Penal Code. At kung ang ninakaw na bagay ay mga P3,000 to P4,000 tulad dito, ang penalty ay prision correccional in its medium to maximum periods na dapat ay 2 years, 4 months and 1 day to 6 years.
Pero nagkakaroon ng plot twist kumbaga kung ang kumuha ay isang rider dahil nagkakaroon ng espesyal at legal na katungkulan at responsibilidad na ibigay nang maayos sa kanyang recipient.
Kumbaga, ito ay isang pagnanakaw with grave abuse of confidence at dahil dito, ang kaso ay umaangat at nagiging qualified theft na.
Sa ilalim ng Article 320 ng Revised Penal Code, ang penalty kapag ang pagnanakaw ay qualified with grave abuse of confidence tulad dito – ang penalty ay umaakyat by 2 degrees. At ito ay magiging reclusion temporal. So ang maaaring naghihintay na penalty ay 12 years and 1 day to 20 years.
At dahil may CCTV na ebidensiya, mas tumitibay ang kaso laban sa isang rider na tulad nito. Tila napakatindi ng penalty, 'di po ba?
Dahil sa ganitong mga pagkakataon, ang tinitingnan ng batas ay hindi lamang ang monetary value ng bagay na nananakaw. Ang kanyang pinarurusahan ay ang mas malaking kasalanan na pagkawala ng tiwala – 'yung breach of trust kumbaga.
Kaya't ganyan din ang krimen kung ang kumuha ay isa nating kasambahay, isang manager sa opisina or isang kahera.
Hindi lamang ito isang pagnanakaw ng isang random pickpocket na nagnakaw sa gitna ng kalye o nanghahablot ng necklace sa jeep. Ito ay isang tao na binigyan natin ng espesyal na responsibilidad at pagtitiwala.
At sa palagay ko – ganun din sa mga rider na binabayaran natin para gawin ang responsibilidad na mai-deliver ang gamit natin – lalo na kung ito ay naging kilala na natin sa haba ng panahon.
So 'yan talagang pagkawala ng tiwala, talagang pinarurusahan po sa ilalim ng ating batas. Parang ating mga public official at ating mga nasa lehislatura.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!