ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Mga lubak sa daan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mga Kapuso, ngayong maulan, ingat po!

Bukod sa baha, isa pang iniinda ng mga kababayan natin ang mga lubak-lubak na daan.

Ganyan nga ang kalbaryo ng maraming motorista ngayon.

Gaya sa MacArthur Highway sa Valenzuela, kung saan tumambad ang maraming butas at lubak na mga daan matapos ang pag-ulan, at ang ilang mga butas ay napuno naman ng tubig.

Sa Quezon City, may lubak na namataan sa Elliptical Road parteng Philcoa.

At sa C5 lane, may mga ukang aspalto naman kaya raw ang dating mabagal na daloy ng trapiko, lalo pang bumabagal.

'Yan ang pag-uusapan natin. Ask me! Ask Atty. Gaby!

Atty., hindi lang nakakabagal ng daloy ng trapiko. Delikado rin ito. Ano ang habol ng mga maaksidente o masisiraan ng mga sasakyan dahil sa mga lubak na daan?

Usually, 'pag ang involved ay isang national road o highway, ang may pangunahing responsibilidad dito ay ang DPWH. Madami talagang dapat panagutan ang DPWH na 'yan.

Pero, kahit na sila ang dapat na namamahala dito, medyo mahirap silang makasuhan ng sambayanan or ng kawawang indibidwal na nasira ang kotse dahil nalubak sa malalim na butas halimbawa, dahil and DPWH, bilang sangay ng estado, ay mahirap na makasuhan dahil sa immunity from suit ng pamahalaan. Nasa Constitution natin 'yan — the state is immune from any suit.

Pero kung ang pinag-uusapan ay ang mga daan na nasa ilalim ng control at supervision ng mga lalawigan, lungsod, o munisipalidad, ang mga ito, maaaring managot sa pinsala o sakuna dahil sa sira at delikadong kalsada na nasa ilalim ng pangangasiwa nito.

Ito ay dahil ang mga LGUs ang may obligasyon na mag-maintain ng mga kalye, tulay, drainage, sewerage, flood control, traffic signals, road signs and other similar facilities.

Ito ay nakasaad sa Section 17, Local Government Code. At kung may violation o pagpapabaya, nasa Local Government Code din na ang LGU at ang mga officials ay mananagot kung sakaling may namatay o nasaktan o may nasirang property.

Kaya't sa ilalim ng Article 2189 ng Civil Code ng Pilipinas, kung ang pinag-uusapan ay daan na nasa ilalim ng control at supervision ng mga lalawigan, lungsod, o munisipalidad, ang mga ito, maaaring managot sa pinsala o sakuna dahil sa sira at delikadong kalsada kung mayroon silang kontrol o supervision dito.

So sino pa kaya ang maaaring managot? Maaari sigurong kasuhan ang pribadong contractor kung nabigo silang maglagay ng tamang warning signs, ilaw o harang sa bahagi ng kalsadang sira o ginagawa.

Ngunit kung wala namang nasaktan, namatay o property na nasira at perwisyo lamang ang inaabot natin kakaiwas sa mga lubak na nagreresulta din sa trapiko at nasasayang na oras sa traffic na ito, mukhang wala tayong makakasuhan.

Kahit na naghihinala tayo na kaya maraming lubak ay dahil napakanipis na ginamit na aspalto o konkreto, or mukhang substandard ang kalidad nito, napakahirap patunayan.

Hindi lamang ang mga flood control project ang kahina-hinala. Isama na natin ang mga pagpapagawa ng mga kalye natin na mukhang malaking pera ang nawawala dahil totoo naman, konting ulan at tubig lamang, sira-sira na kaagad ang mga kalye.

Paano, sino at saan kakasuhan? Medyo imposible na makasuhan ang dapat managot para sa masamang lagay ng ating mga kalye at daan.

So in the end, nasa boto din natin 'yan. Ihalal natin sa mga local government natin ang mga taong magsu-supervise at magko-control sa mga daan natin para gawin ang mga dapat gawin tulad ng nakasaad sa ating Local Government Code.

Ihalal natin ang mga taong hindi ibubulsa ang pondo para sa matitibay na daan at kalye.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!