Patay ang isang barker matapos siyang mang-agaw ng baril ng isang guwardiya at manlaban sa mga rumespondeng pulis sa Murcia Road, Bacolod City.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Unang Balita nitong Martes, nakunan ng video ang pag-aagawan ng suspek at ng guwardiya sa may Mansilingan.

Ilang saglit pa, umalingawngaw na ang magkakasunod na putok. Sinabi ng pulisya na nanlaban ang barker sa mga awtoridad, na humantong sa kaniyang pagkasawi.

Lumabas sa imbestigasyon na tatlong beses pinaputukan ng barker ang gwardiya matapos niyang maagaw ang baril.

Ligtas ang guwardiya.

Pinaniniwalaang nasa impluwensiya ng ilegal na droga ang barker. —AOL GMA News