Tila nabuhay ang mga patay na baboy nang muling dumaloy ang kanilang mga dugo at gumana ang kanilang mga organ matapos turukan ng synthetic form ng hemoglobin ng mga siyentipiko sa France.

Sa Next Now, sinabing nag-udyok ang mga siyentipiko ng heart attack sa mga baboy sa pamamagitan ng anesthesia para tumigil ang pagdaloy ng kanilang dugo.

Makalipas ang isang oras matapos mamatay ang mga baboy, binigyan ang mga ito ng likido na nagtataglay ng kanilang dugo kasama ang sintetikong hemoglobin, o protina sa red blood cells na nagdadala ng oxygen at mga gamot na pumipigil sa blood clot.

Nag-umpisang muling dumaloy ang dugo ng mga patay na baboy at marami sa kanilang selula ang muling gumagana, kabilang na ang mga nasa puso, atay, at kidney.

Naigalaw din ng mga baboy ang kanilang mga ulo at leeg ngunit wala na silang brain activity.

Inaasahang makatutulong sa organ donation ang bagong natuklasan at posible ring magamit para subukang ma-resuscitate o maibalik ang malay ng tao.—Jamil Santos/AOL, GMA News