Nagbanggaan umano sa laot ang isang bangka at roll-on/roll-off  vessel sa Batangas City ngayong Linggo ng hapon.

Sa ulat sa “24 Oras Weekend”, sinabing nasagip at ligtas na ngayon ang tatlong mangingisdang sakay ng bangka.

Nangyari ang insidente 500 meters mula sa pangpang ng Barangay Pagkilatan, dagdag pa ng ulat.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine Coast Guard, nabangga ang bangka ng MV Stella Del Mar na galing sa Calapan, Oriental Mindoro habang padaong na sana sa Batangas Port.

Sasagutin raw ng pamunuan ng roro vessel ang paunang gastusing medikal ng mga mangingisda.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. —LBG, GMA Integrated News