Makalipas ang 30 taon, muling bumalik sa New Bilibid Prison (NBP) ang veteran broadcast journalist na si Jessica Soho. May nagbago na nga ba sa sistema at mga pasilidad sa naturang piitan? Alamin sa report.

Nagkaroon ng pagkakataon ang programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” na makapanayam ang bagong OIC ng Bureau of Corrections (BuCor) na si dating AFP chief of staff Gregorio Catapang Jr. kaugnay sa mga kontrobersiyang naglalabasan tungkol sa NBP.

Kamakailan lang, natuklasan na mahigit sa 160 na bangkay ng persons deprived of liberty (PDL) ang naipon sa Eastern Funeral Services magmula pa noong December 2021.

Noong nakaraang buwan ng Oktubre, umabot umano sa 50 ang tinanggap nilang bangkay kasama ang umano'y "middleman" sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

Karaniwan na umaabot umano sa 50 hanggang 60 namamatay sa Bilibid kada buwan na dinadala sa nabanggit na punerarya.

Isa lamang ito sa mga isyung kasalukuyang umiikot sa NBP.

Ang overcrowding ay nananatiling isang malaking problema. Ang pasilidad ay para lamang sana sa 6,000 bilanggo ngunit mahigit 30,000 na umano ang nakapiit dito.

Ang mga tauhan sa kusina ng Maximum Security Prison, naghahanda ng pagkain para sa 17,600 katao na nakadetine roon sa bawat araw.

Nagkakahalaga ng P70 kada araw ang meal allowance sa bawat PDL, mula sa P20 noong dekada 90.

May mga VIP bilanggo rna bumuo ng sarili nilang grupo o gang, naayon kay Catapang mas angkop na tawaging “barangay.”

Natuklasan din ang iba’t ibang kotrabando sa loob ng NBP gaya ng mga alak, mga cellphone, at iba pa.

Laman din ng mga balita ang pagkakatuklas sa isang excavation site sa loob ng NBP, na sinabi ng suspendidong BuCor chief na si Gerald Bantag na para umano sa isang swimming pool project.

Mariing itinanggi ni Bantag na ginawa ang excavation site upang bumuo ng isang escape tunnel.

Ngunit hindi ito pinaniniwalaan ng bagong administrasyon ng BuCor. 

“Mag-one month na ako. Araw-araw may na-discover akong kailangang ayusin o pagkakamali na kailangang imbestigahan,” saad ni Catapang.

Samantala, sinagot din ni Catapang kung bakit hindi nasabihan ang mga kamag-anak tungkol sa mga nasawing PDL.

“That’s part of the mismanagement of the previous administration. Ililibing na namin diyan, may cemetery kami diyan,” aniya.

Nang tanungin kung anong uri ng sistema na mayroon ang piitan sa Pilipinas sa lahat ng mga isyung ito, sinabi ni Catapang, “Lubog na lubog. Wasak na wasak o sirang-sira kaya ito ang challenge sa akin ngayon."

Patuloy ng opisyal, "You really have to decongest the place and then segregating kasi yung rapist natutong maging adik, yung adik natutong maging drug lord. Parang naging university iyong prison cell. Paghihiwalayin mo iyan.”

Aminado rin si Catapang na komplikado at hindi magiging madali ang paghahanap ng solusyon sa mga problemang kinakaharap ng NBP, ngunit umaasa siya na posible pa rin ang reporma.

Ayon pa sa opisyal, kailangang gumawa ng mga ilang hakbang para malutas ang mga isyu sa Bilibid kabilang ang pagpapatayo ng mga bagong pasilidad sa Luzon, Visayas and Mindanao. Pati na ang pagkakaroon ng teknolohiya para mas madaling matukoy ang mga kontrabando sa loob ng kulungan.

“Ito ang challenge sa akin ngayon. You really have to decongest the place and then after to segregate. I will not be strict. I will be compassionate…. of course may pag-asa,” dagdag pa niya.--FRJ, GMA Integrated News