Naaresto ng mga awtoridad ang tatlo umanong suspek sa pananambang at pagpatay sa dalawang pulis sa Mabalacat, Pampanga nitong Sabado ng madaling-araw.

Sa ulat ni Rod Vega sa Super Radyo dzBB ngayong Linggo, sinabing kinilala ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang mga suspek na sina sina Jun Jun Espiritu Baluyut, Aris Espiritu, at isang babaeng nagngangalang Leslie Placente.

Nadakip ang tatlo sa isang follow-up operation sa South Daang Bakal Road ngayong Linggo ng madaling-araw, ayon pa sa ulat.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ng isang motorsiklo sina Police Master Sergeant Sofronio Capitle at Police Staff Sergeant Dominador Gacusan Jr. nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay din ng dalawang motorsiklo.

Si Capitle at Gacusan ay pawang miyembro ng Station Drug Enforcement Unit ng Mabalacat City.

Nabatid na galing ang dalawang biktima sa isang anti-drug operation nang sundan at pagbabarilin sila ng mga salarin.

Ayon pa sa ilang pahayag ng testigo, nakatumba na ang motor at ang dalawang pulis dahil sa tama ng bala pero nilapitan pa raw sila ng mga suspek at saka pinagbabaril ng malapitan.

Inihahanda na ng Mabalacat City Police ang reklamong isasampa laban sa mga suspek na nakapiit ngayon sa Mabalacat PNP Custodial Facility.

Samantala, inatasan na ni Azurin ang Regional Director ng PNP Region 3 na pangunahan ang pagsasagawa ng mas malalim pang imbestigasyon at hot pursuit operation laban naman sa dalawang suspek na hindi pa nahuhuli.

Nagpaabot na rin siya ng pakikiramay sa pamilya ng dalawang pulis na napatay. Tiniyak niya rin na maibibigay ng PNP ang lahat ng tulong at benepisyo na naaangkop para sa mga biktima. — DVM, GMA Integrated News