Himalang nakaligtas ang isang tricycle driver matapos hindi tumagos sa kaniyang ulo ang mga bala nang pagbabarilin siya sa Bauan, Batangas. Ano kaya ang mga posibleng dahilan kung bakit hindi tumagos sa kaniyang bungo ang mga bala?

Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Bam Alegre, sinabing nangyari ang insidente hapon ng ika-23 ng Nobyembre nitong taon, kung saan bumili lamang ng palamig at naupo sa kanilang tambayan sa TODA si "Luis," hindi niya tunay na pangalan, habang naghihintay ng pasahero.

Ngunit ilang saglit lang, lumapit ang isang lalaki at tatlong beses siyang pinaputukan sa ulo.

"Pag ganiyan ko, nakita ko may tumutulo na dito sa damit ko. Sabi ko mamamatay na ako, tatlong putok 'yung narinig ko eh," sabi ni Luis.

Sinabi ng pulisya na tatlong beses pinaputukan ang tricycle driver sa ulo, pero hindi agad siya naidala sa ospital.

Kahit na matagal siyang naghintay na maoperahan, hindi raw nahihilo si Luis sa tinamong sugat.

Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Armin Guerrero, acting chief ng Firearms Identification Division ng Philippine National Police Forensic Group, maraming posibleng dahilan kung bakit hindi tumagos ang bala sa ulo ng biktima.

"Factor 'yung wind direction, 'yung gravitational effect. Meron din pong factor 'yung present condition ng bala," sabi ni Guerrero.

Napag-alamang poor quality o substandard ang bala ng .38 caliber pistol na ginamit sa pamamaril kay Luis.

"Posible po na 'yung bala na tumama sa katawan ng tao ay nadaplisan lang siya in between ng anit o ng buto," sabi ni Guerrero.

Sinabi naman ng otolaryngologist head and neck surgeon na si Dr. Rene Lacanilao na himalang nakaligtas si Luis.

"May long term effect, psychological, pero long term na sasabihin mo na epekto ng bala itself, pagka natanggal mo na 'yung bala, wala naman," sabi ni Dr. Lacanilao.

Sinabi ng pulisya na wala pa silang nakikitang motibo sa pamamaril, at maaaring kaso ito ng mistaken identity.

"Kahit nangyari, masaya pa rin ako, siyempre buhay ako. Habang may buhay may pag-asa, dahil hindi natin masabi kung kailan tayo kukunin. Tulad nga ng sa akin, kung talagang matutuluyan ako, wala na, hindi mo na magagawa ang gusto mong gawin," sabi ni Luis. —VBL, GMA Integrated News