May solusyon pa ba para maglaho ang peklat o kondisyon sa balat tulad ng vitiligo? Posible raw ito gamit ang tinatawag na camouflage tattoo. Kung paano ito, alamin!

Sa kuwento ni Bam Alegre sa programang “Dapat Alam Mo!”, ibinahagi ni Kristian Kelvin Yulatic na 5-limang-taon pa lang siya nang maaksidente at nag-iwan ito ng peklat sa kanyang noo.

“Habang tumatagal siya lumalaki ‘yung kulay puti sa noo ko hanggang umabot na sa anit na nag-cause na rin na pumuti ang buhok ko,” saad ni Kristian.

Nagpatingin na raw sa doktor si Kristian at nakumpirmang mayroon siyang vitiligo o kondisyon sa balat kung saan nawawalan ng pigment o kulay.

Dahil dito, naging mababa ang kumpiyansa niya sa sarili. Nagpahaba rin siya ng bangs para itago ang peklat sa noo.

Nagpakonsulta si Kristian sa dermatologist pero hindi pa rin nawawala ang kondisyon niya sa balat.

Ayon kay Ann Panlilio-David, na isang certified micropigmentation artist, swak raw ang camouflage tattoo procedure para sa may peklat o vitiligo.

“So dini-disguise niya ‘yung appearance to make it like the color ng mismong skin natin,” dagdag pa ni Panlilio-David.

Kaya sinubukan ni Kristian ang camouflage tattoo at malaki na ang kanyang pinagbago matapos ang kanyang pang-apat na session.

“I recommend pa rin na magpa-consult kayo sa dermatologist. So mahalaga pa rin po ‘yung ipapayo nila. Just in case nothing works sa mga treatment na ginawa niyo at na-try niyo na lahat, maybe then this is the least you can try,”diin ni Panlilio-David.

Gayunman, sinabi ng dermatologist na si Dr. Grace Beltran na may iba pa raw paraan para ayusin ang mga peklat o vitiligo sa mukha.

“We do regenerative medicine like stem cell therapy. We do a surgical procedure, and we do some lasers. Marami na ngayon ginawagawang paraan para mabago mo ang isang scar lalo na sa mukha,” saad ni Beltran.

“Sinasabihan na namin agad ang pasyente na there are other options but if you have a little money then we can go with the tattoo camouflage,” aniya pa. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News