Sugatan ang isang barker matapos nabundol at makaladlad siya ng isang minibus sa Barangay Zapote, Las Piñas City. 

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News “24 Oras Weekend”, makikita sa isang CCTV footage ang barker na kinilalang si “Jojo” na inaalalayang lumiko ang isang jeep papunta sa kabilang sa kabilang kalsada.

Habang sinesenyasan ang mga sasakyan sa kaniyang kanan, biglang sumulpot ang isang minibus sa kaliwa.

Ilang saglit lang, tuluyan nang nabundol at nakaladkad ng naturang bus si Jojo.

“Pagdating namin doon nakita namin ang patient nakaupo na po siya nu’ng dinatnan namin. Wala na siya sa ilalim nu’ng baby bus,” saad ni Jolo Eusebio, na kabilang sa Barangay Traffic.

Duguan ang mukha ni Jojo at may mga sugat siya sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Napag-alaman din na nagkaroon siya ng bali sa kaniyang binti.

Sinugod siya sa ospital at sa ngayon ay nasa mabuti nang kondisyon.

Iniimbestigahan na ang drayber ng bus na nasa kustodiya ng traffic bureau ng nasabing lungsod.

Ayon sa ulat, nagkaaayos na ang magkabilang panig, na kapwang tumanggi na magpaunlak ng panayam. —Mel Matthew Doctor/LBG, GMA Integrated News