Nagpiyansa si Vice President Sara Duterte nitong Sabado sa isang korte sa Quezon City, isang araw matapos ang pag-isyu ng warrant of arrest laban sa kaniya kaugnay ng kasong grave threats.

Itinakda ng QC Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ang piyansa sa P120,000 kada count. Natuklasan nito na may probable cause para litisin si Duterte, kaya nag-isyu ito ng warrant of arrest laban sa kaniya.

Bago nakapagpiyansa, sinabi ng kampo ng bise presidente sa mga reporter na itinuturing “surrendered” na si Duterte.

Ayon sa ulat ni Jonathan Andal ng GMA News, sinabi ng abogado ni Duterte na si Paul Lawrence Lim na hindi kinuhanan ng mugshot ang bise presidente sa loob ng korte.

Gayunman, nagsumite ang bise presidente ng sarili niyang litrato habang hawak niya ang isang piraso ng papel na nagsasaad ng kaniyang pangalan at mga kaso laban sa kaniya. Kinuhanan din siya ng mga fingerprint ng mga kawani ng korte bilang bahagi ng proseso ng pagpiyansa.

Kalaunan, ipinakita ng bise presidente sa mga mamamahayag ang isang kopya ng utos ng korte na nagsasaad na binabawi na ang warrant of arrest.

Umakyat siya sa hagdan papunta at pabalik ng QC RTC Branch 98 at sa loob ng Hall of Justice, na sinabing gusto niyang makita siya ng media sa gitna ng pag-aalala niya para sa kaniyang seguridad.

‘Not safe’

Sa kaniyang pagdating sa Quezon City Hall of Justice Sabado ng umaga, sinabi ni Duterte na “I do not feel safe.”

"I have documented threats and harassment since 2023. I fear for my children. I do not feel they are safe if I am with them," sabi niya.

"Umalis na nga ako kung nasaan mga anak ko para pumunta sa korte pero pumunta pa rin ang pulis," dagdag ni Duterte.

"I do not feel safe. Pakiramdam ko papatayin nila ako," anang bise presidente.

Kalaunan, napapayag din si Duterte ng kaniyang mga abogado na tumuloy para magpiyansa.

Inulit niya ang kaniyang pahayag na nangangamba siya para sa kaniyang kaligtasan, at nagduda maging sa kaniyang vice presidential security detail.

"Nandito na naman ako, iba lang ‘yung cast of characters. Ang pakiramdam ko, papatayin ako anytime, tapos sorry lang ang sasabihin niyo sa akin kasi, 'We do not know what happened. But we did our jobs,'" sabi ni Duterte.

Sa kaniyang pakikipag-ugnayan sa kaniyang abogadong si Atty. Michael Poa, sinabi ni Duterte, "Naalala mo ba na si Ninoy Aquino, namatay sa hagdanan? ‘Di ba sa sobrang dami ng baril dito ngayon. Hindi ko maintindihan bakit kailangan pa ng gap? Bakit pa kailangang ilayo 'yung taumbayan? Wala akong tiwala sa kanila."

Hiling pa ni Duterte, “Ang gusto ko lang, makita ng taumbayan kung ano ang mangyari sa akin.”

Sa isang pahayag kasunod ng pagpipiyansa ni Duterte, sinabi ni Lim na hihintayin nila ang desisyon ng Korte Suprema sa kanilang mosyon na bawiin ang kaso batay sa hurisdiksyon.

“Ngayon hinihintay na lang namin. Magpapatuloy lang ‘yung proseso sa korte. Pero siyempre habang tuloy na nililitis ‘yung kaso rito, tuloy din kine-question namin ang hurisdiksyon. Muli, hinihintay namin ang aksyon ng SC pati na rin sa petisyong finile namin," sabi ni Lim sa isang panayam sa media, ayon sa ulat ni Bea Pinlac ng GMA News.

Sa isang hiwalay na ulat, sinabi ni Lim na sumailalim si Duterte sa karaniwang proseso ng pag-book, kung saan kinuha ang kanyang mga fingerprint at larawan, ngunit walang partisipasyon ng pulisya.

Hindi humarap si Duterte sa korte ng Quezon City nitong Biyernes, ang araw na inilabas ang warrant. Nagpadala na ng karagdagang puwersa ng pulisya sa Hall of Justice, kasama ang mga pulis na nagdala sa loob ng gusali ng backdrop na ginagamit para sa pagkuha ng mga mugshot.

Nagbantay din ang mga pulis sa lugar nitong Sabado. Nauna nang dumating sina Poa at Lim sa Hall of Justice bago ang bise presidente.

Kung maaalala, nagsampa ang Department of Justice ng tatlong count ng grave threat laban sa bise presidente dahil sa kaniyang mga pahayag na umupa siya ng isang indibiduwal para patayin sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez, kung sakaling magtagumpay ang plano umano laban sa kaniya.

Kasunod nito, naghain si Duterte ng mosyon para ibasura ang kaso batay sa hurisdiksyon, na idinahilang may limitadong procedural immunity siya at ang iba pang mga opisyal na maaaring i-impeach habang nasa pwesto sa ilalim ng 1987 Constitution.

Isinagawa ng korte ang oral arguments sa mosyon ni Duterte noong huling bahagi ng Agosto.

Sa kaniyang parte, nauna nang sinabi ni Duterte na ang kaniyang mga pahayag ay "maliciously taken out of logical context."

Ang matinding banta ng bise presidente umano laban kay Marcos ay siya ring batayan ng isa sa mga Articles of Impeachment laban sa kaniya sa patuloy na paglilitis sa harap ng impeachment court ng Senado. — VBL GMA News