Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 87 katao matapos masunog ang isang pampasaherong barko habang nasa dagat ng Coron, Palawan, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes. Ang barko, galing sa Maynila.
Sa panayam sa Unang Balita ng GMA News, sinabi ni PCG spokesperson na si Commodore Noemie Cayabyab na patuloy pa rin ang search and rescue operations.
“Currently, we have 42 rescued individuals and five casualties,” sabi niya.
“Kung pagbabasehan natin, ‘yung ibinigay sa atin na manifesto na total of 134, so we are still locating and identifying 87 individuals pa po,” dagdag niya.
Sa 134 na sakay ng eroplano, 117 ang mga pasahero at 17 ang mga tripulante, ayon sa PCG.
Binanggit ni Cayabyab na maaari pa ring magbago ang bilang habang patuloy ang search and rescue operations.
Sa isang hiwalay na update nitong 8:20 a.m., sinabi ng PCG na tumaas sa 43 ang bilang ng mga nakaligtas.
Sinisikap ng PCG na matukoy ang mga pasahero na maaaring kinabibilangan ng mga residente mula sa Metro Manila at Palawan.
Naiulat na umalis ang barko sa Baseco, Maynila bandang 8 p.m. nitong Miyerkoles.
Dinadala sa isang covered court sa Barangay Turda sa Coron ang mga nasagip na indibiduwal at inihahabilin sa lokal na pamahalaan para sa tulong.
Sinusuri rin ng PCG ang mga posibleng paglabag kabilang kung overloaded ang barko at kung binigyan ng life jacket ang mga pasahero.
Sinabi ni Cayabyab na natagpuang walang life jacket ang ilan sa mga nailigtas na pasahero, habang maaaring tumalon ang iba mula sa barko sa gitna ng sunog. – Jamil Santos/FRJ GMA News
