Inihayag ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo na kasamang aalamin ng mga awtoridad ang pagiging kasapi umano sa isang online group na may kaugnayan sa karahasan ang estudyanteng namaril sa Banga, South Cotabato nitong Biyernes ng hapon.

Sa panayam ni Tamayo sa Super Radyo dzBB, sinabi niyang batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nagbaril din sa sarili ang estudyante matapos mamamaril sa eskuwelahan.

Nakausap umano ng mga awtoridad ang matalik na kaibigan ng namaril, at sinabing miyembro umano ito ng isang online group na patungkol sa karahasan.

“Ang inisyal lamang na aming nakita ay nakausap namin yung best friend ng bata. Itong bata pala ay miyembro ng… (pangalan ng online group). So ito ay iniimbestigahan pa rin ng ating kapulisan kung ano ba ito at ano ba nakapaloob [sa] internet community na ito,” sabi ni Tamayo.

Sa ngayon, magkakaiba pa ang bilang na iniuulat tungkol sa mga nasawi at nasugatan sa pamamaril.

Ayon sa Facebbok post ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa anim na estudyante ang nasawi at 17 iba pa ang nasugatan sa nangyaring pamamaril.

Samantala, inilahad ng gobernador na pinauwi na ang mga estudyante para mapakalma ang kanilang mga emosyon.

Ikinalungkot ng opisyal ang nangyari.

“So medyo mabigat lang sa pakiramdam ngayon dahil bilang gobernador, bilang ama ng lalawigan, masakit sa akin na nangyari pa ito sa isang eskwelahan na fully guarded naman,” sabi niya.

Nanawagan si Tamayo sa mga magulang na huwag hayaan na nakikita at may access ang mga bata sa mga baril na kanilang pagmamay-ari.

“Dapat maging responsable kayo dahil may mga pananagutan ‘yung mga magulang dito dahil yung mga baril, easy access para sa mga kabataan. Hindi maganda itong ehemplo at hindi magandang sitwasyon sa isang komunidad na may mga bata na anytime makaka-access para sa mga deadly weapons na meron tayo,” sabi niya.

Tiniyak naman ng gobernador na gagawa ang pamahalaang panlalawigan ng paraan upang matigil ang mga ganitong insidente ng pamamaril.—FRJ GMA News