May malaking sugat sa leeg at wala nang buhay nang matagpuan sa kanilang bahay ang isang 11-anyos na babae sa sa Oton, Iloilo. Ang may gawa umano ng krimen, ang kaniyang sariling ina.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing dinatnan ng ama ang kaniyang anak na duguan sa kanilang bahay noong Miyerkoles ng gabi.
Ayon sa ama ng bata, naiwan ang kaniyang mag-ina sa bahay habang nasa sakahan siya.
Hinala niya, naganap ang krimen dakong 2 p.m., at umuwi ang kaniyang asawa sa pamilya nito sa Dingle dakong 3 p.m.
Doon na umano sinabi ng ina ng bata na wala na ang kaniyang anak.
Noong gabi ding iyon, inihatid ng mga kaanak ang ina ng bata sa presinto.
Hindi umamin ang ina ng bata sa nangyaring krimen ngunit sinabi ng pulisya na may mga hindi umano nagtutugma sa kaniyang kuwento.
“Ang pinalitan niyang damit, nakuha natin doon pag-conduct ng SOCO. Ayon sa kaniya, hinubad niya ang kaniyang damit at siya mismo ang nagpunas nito sa dugo. Kung titingnan, kung ibang tao ang gumawa noon, kung nandiyan ka na ina, first thing na gagawin mo ay humingi ng saklolo,” sabi ni Police Lieutenant Norbert Sipole, hepe ng Oton, Iloilo Police.
Lumabas sa pahayag ng ama ng bata sa pulisya na may problema sa kalusugan ang kaniyang asawa matapos itong makunan ng dalawang beses noon.
Hindi pa nagpapasiya ang ama kung sasampahan niya ng reklamo ang kaniyang asawa.
Tandaan, kung may kakilala o kayo mismo ang may pinagdaraanan at kailangan ng suporta o makakausap tungkol sa mental health, maaaring tumawag anumang oras sa mga sumusunod na numero:
DOH National Center for Mental Health Crisis Hotline
- Telepono: 1553
- Mobile number: 0919-057-1553
HOPELINE PH
- Telepono: (02) 8804 4673
- Mobile number: 0917-558-4673
- Mobile number: 0918-873-4673
— Jamil Santos/FRJ GMA News

