Hindi bababa sa anim na estudyante ang nasawi at 17 iba pa ang nasugatan sa nangyaring pamamaril isang paaralan sa Banga, South Cotabato noong Biyernes, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Sa updated na ulat, anim na mag-aaral ang kumpirmadong nasawi at 17 ang lubhang sugatan. Magpapatuloy ang koordinasyon ng DSWD sa LGU ng Banga at paaralan para sa kaukulang suporta sa mga bata at pamilyang biktima ng insidente,” nakasaad sa Facebook post ng DSWD.
Sinabi ng DSWD na nasa lugar ang kanilang mga social worker upang magbigay ng psychological first aid at psychosocial support.
Ayon sa Banga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, agad na sinuspinde ang mga klase sa lahat ng antas sa bayan ng Banga dahil sa insidente.
Sa ulat ng Super Radyo dzBB, sinabing nangyari ang namaril dakong 1:00 pm., at isang estudyante ang namaril sa Banga National High School in Banga, South Cotabato.
Nagpahayag naman ng matinding pag-aalala ang Department of Education (DepEd) sa nangyaring insidente.
“Our immediate priority is the safety and well-being of our learners, teachers, and school personnel. We are closely coordinating with the Schools Division Office, Regional Office, local authorities, and law enforcement to verify the circumstances and provide necessary assistance,” ayon sa pahayag ng DepEd. —FRJ GMA News

