Walang planong magbitiw sa kaniyang posisyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon sa Malacañang nitong Biyernes. Kaugnay ito sa mga pahayag mula sa kampo ni Vice President Sara Duterte na handa itong pumalit sa puwesto.
“Unang-una, walang magre-resign,” sabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa GMA News’ Unang Balita.
“Wish lang nila 'yon dahil ang Pangulo tumutupad sa kaniyang tungkulin at nagtatrabaho para sa bayan, sa bansa, at sa taumbayan. So kung wish nila na magre-resign ang Pangulo, I'm sorry,” dagdag niya.
Sinagot din ni Castro ang mga pahayag ng kampo ni Duterte na kontrolado ng Malacañang ang mga senador, opisyal ng pulisya, at iba pang personalidad sa gobyerno kaugnay ng kaso ng impeachment ni Duterte.
Ayon kay Castro, isinasagawa lamang ng mga ahensiya ng gobyerno ang kani-kanilang mga mandato at dapat tugunan ni Duterte ang mga isyu at reklamong ibinabato laban sa kaniya imbes na paratangan ang gobyerno ng pag-uusig.
Binatikos din niya ang kampo ni Duterte dahil sa pagkuwestiyon nito sa administrasyon, habang bigo naman silang [Duterte camp] na ipinaliwanag ang mga isyu sa kaniyang kaso ng impeachment—
kabilang ang paggamit ng confidential funds, pati na rin ang kaso ng grave threat na kinasasangkutan ng plano umanong pagpatay kay Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Samantala, natanong din si Castro kaugnay sa mga posibleng legal na aksyon o operasyon kaugnay kina dating presidential spokesperson Harry Roque, dating mambabatas na si Zaldy Co, at ni Senator Loren Legarda.
Tumanggi siyang magbigay ng mga detalye tungkol sa anumang operasyon.
“Hindi ko na po ito mai-re-reveal on air,” sabi ni Castro.
“Sa ngayon hindi ko masasabi kung ano yung mga legal na operasyon nila. Sabi nga natin ay hindi natin puwede maisiwalat kung ano-ano ang dapat na gawin, mga legal na operasyon, at baka hindi matupad o hindi maisagawa dahil nalaman na po noong dapat na makuha, mahuli, mapadala sa Pilipinas. So, hayaan na lang po natin si Secretary Jonvic dyan,” dagdag niya.
Noong Mayo 2025, naglabas ng mga warrant of arrest laban kina Roque, Cassandra Ong, at 48 iba pa para sa qualified human trafficking kaugnay ng scam hub umano'y na pinatatakbo ng Lucky South 99 sa Pampanga.
Itinanggi ni Roque ang mga paratang laban sa kaniya, at iginiit na ginigipit lamang siya ng gobyerno.
Nasa Austria ngayon si Roque at may aplikasyon para sa asylum upang doon na manirahan.
Samantala, naglabas naman ng mga warrant of arrest laban kina Co at 17 iba pa kaugnay ng maanomalya umanong mga flood control project noong Nobyembre 2025.
Itinanggi din ni Co ang mga paratang, at nananatili siyang nasa ibang bansa.
Agosto naman ngayong taon, inutusan ng Office of the Ombudsman si Legarda at ang kaniyang anak na si Batangas First District Representative Leandro Leviste na sagutin ang mga reklamo ng pandarambong at katiwalian laban sa kanila kaugnay ng umano'y pagkabigo ng kompanya ni Leviste na magbigay ng solar power ayon sa nakasaad sa ilalim ng prangkisa nito sa Kongreso.
Tinawag ng kampo ni Legarda ang imbestigasyon bilang "lawfare" at "political persecution."
Umalis sina Legarda at Leviste sa Pilipinas sa magkahiwalay na flight noong Agosto 2, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Lumipad si Legarda patungong France habang sa Hong Kong naman umano ang destinasyon ni Leviste. – Joviland Rita/Jamil Santos/FRJ GMA News

