Masarap na, healthy pa, kaya naman tinatangkilik ng mga customer ang kakaibang produkto ng isang pamilya na bangus siomai sa Mandaluyong City. Ang kita sa kanilang negosyo, umaabot ng 5 digits kada buwan.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang negosyong bangus siomai ng pamilya ni Olive Sta. Juana.
“Nag-create po kami nito para madagdagan ang produkto namin na makapagbigay kami sa mga customers ng healthy na pagkain. Dahil sa panahon ngayon, ma'am, conscious na ‘yung mga tao sa mga kinakain nila,” sabi ni Olive.
Ilan sa sangkap ng bangus siomai ang giniling na manok, pinong sibuyas at parsley, giniling na tokwa, tinadtad na carrots at hinimay na laman ng bangus, saka titimplahan ng sikretong pampalasa.
Mabibili ang apat na piraso ng bangus siomai sa halagang P60, o P15 naman kada piraso.
Bago magtagumpay ang negosyo nilang bangus siomai, baked boneless bangus talaga ang specialty ng asawa ni Olive na si Papa Ping na “most requested” lalo tuwing may okasyon.
Kalaunan, naging mabenta ito sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak. Taong 2018 nang umpisahan nila itong inegosyo.
Bumibili sila ng boneless na bangus, bago lalagyan ng pampalasa at aromatics gaya ng sibuyas at kamatis.
Lalo pang nagpasarap sa baked boneless bangus ang paglalagay ng hindi tinipid na keso.
“Masustansya na, wala pa silang malalasahan na iba. Ibang bangus po kasi ay parang lasang putik. So kaya kami, ma'am, Dagupan bangus ang pinili namin para po maging quality po ang aming produkto,” ani Olive.
Sumangguni rin sina Olive sa Department of Trade and Industry (DTI) para ma-improve pa ang kanilang produkto.
Ginabayan ang kanilang negosyo mula sa paghahanda ng produkto, tama at maayos na packaging hanggang marketing.
Kalaunan, nakasali na rin sila sa iba't ibang food fair at bazaar.
Dahil may mga customer na nag-request ng fried o pritong bangus, nagdagdag din sila ng crispy fried boneless bangus.
Mabibili ang crispy fried boneless bangus buttered garlic at barbecue flavor sa halagang P320. Bawat order ay may timbang na 680 to 700 grams.
Hanggang sa nagkaroon na sina Olive at Papa Ping ng sariling puwesto.
Buong pamilya kung magtulungan sa negosyo. Si Papa Ping, ang gumagawa ng menu. Ang anak naman nilang si Clyde ang tumutulong. Si Keisha naman ang gumagawa ng mga layouts at posters habang si Olive ang admin at nagsasagawa ng mga interview, at dumadalo sa mga seminar at webinar.
Biyaya ang hatid sa kanila ng kanilang bangus siomai business.
“Kada buwan po ang masasabi ko po ay kumikita po ang aming negosyo ng five digits,” ani Olive.
Nakapag-aaral na ang kanilang mga anak sa magandang paaralan at nakakapag-ipon na rin para sa magandang kinabukasan.
“Kailangan po ninyo magkaroon ng pagtitiyaga at kailangan niyo po mangarap. Siyempre, ang higit sa lahat, kailangan nyo pong magdasal ng guidance. Ito po ay napakahalaga dahil po ang pagnenegosyo po ay hindi po madali,” sabi ni Olive. — VBL GMA News
