Nadakip ang apat na lalaking hinihinalang carnapper sa isang checkpoint ng mga pulis sa Barangay Tactac sa Sta. Fe, Nueva Vizcaya.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing ang mga suspek ang hinihinalang tumangay sa sports utility vehicle na pag-aari ng isang lokal na opisyal sa Amulong, Cagayan.

Isang baril din ang nakuha sa isang suspek na may mga bala.

Nakita rin umano sa SUV ang ilang personal na gamit ng may-ari ng sasakyan, pati na ang wallet.

Mahaharap sa kaukulang reklamo ang mga naarestong suspek, na sinusubukan pang makuhanan ng pahayag, ayon sa ulat. – FRJ GMA News