Arestado ang isang 76-anyos na babae na nagbebenta umano ng ilegal na droga, pati ang kaniya umanong parokyano sa Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na nagsumbong sa kanila ang isang confidential informant tungkol sa ginagawang pagtutulak ng senior citizen.

Kumagat sa P9,000 na boodle money ang suspek at nabilhan siya ng droga ng pulis na nagkunwaring buyer.

Matapos magpositibo sa buy-bust operation, agad siyang dinakip ng mga operatiba.

Kasama ring hinuli ang 33-anyos na lalaki na parokyano umano ng suspek.

“Tatlong bulto ang nakuha sa kanila. Ang street value is nasa P105,000 more or less,” sabi ni Police Major Armando Linget, Deputy Station Commander ng MPD-13.

Bago nito, nakulong na rin ang senior citizen dahil din sa ilegal na droga.

“Sa record din na na-check, nahuli siya sa Bataan, 2017, ng 50 grams. Iba-iba ang strategy niya. Mga dating parokyano, through text, tapos mag-meet up. Malakas pa talaga siya. Actually, nagko-commute lang siya,” sabi ni Linget. — Jamil Santos/VBL GMA News