Isang 9-anyos na batang lalaki na nagtatatakbo sa kanilang bahay ang nalapnos ang balat matapos siyang aksidenteng mabanlian ng bagong-kulong tubig sa Mangaldan, Pangasinan.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabi ng ina ng biktima na dala niya noon ang kaldero ng bagong-lagang labong nang mabangga siya ng kaniyang tumatakbong anak.

Nagtamo ang biktima ng second-degree burn na inuwi kalaunan ng ina dahil wala silang sapat na perang pampagamot sa ospital.

Naghahanda na ang mga opisyal ng Barangay Anolid ng maitutulong sa mag-mag-ina.

Payo ng DOH kung magka first-degree burn:

1. Gumamit ng cold compress
2. Takpan ito ng bandage
3. Huwag gamitan ng ointment
4. Puwedeng uminom o gumamit ng over-the-counter pain medication
5. Magpatingin agad sa doktor kung malaking bahagi ng katawan ng nalapnos

Para sa second-degree burn:

1. Ilubog sa malamig na tubig o cool compress ang napasong bahagi ng 10 hanggang 15 minuto
2. Patuyuin ito gamit ang malinis na tela at takpan ng sterile gauze
3. Huwag galawin ang mga paltos
4. Huwag lagyan ng ointment at i-elevate ang nasunog na bahagi ng katawan
5. Magpatingin din agad sa doktor

Kung third-degree burn naman:

1. Takpan ang napasong bahagi ng katawan ng sterile gauze o malinis na tela
2. Huwag lagyan ng ointment
3. I-elevate ang nasunog na bahagi ng katawan
4. Kung may airway burn, huwag magpagamit ng unan sa biktima
5. Obserbahan kung magkakaroon ng problema sa paghinga ang biktima
6. Agad magpatingin sa doktor


— Jamil Santos/VBL GMA News