Bumagsak pa lalo ang halaga ng piso sa panibagong record low matapos na sumampa sa P64 kada US dollar sa kalakalan nitong Martes.
Nagbukas ang halaga ng piso sa P63.95 kada US$1, kapareho ng pinakahuling historic low sa kalakalan nitong Lunes.
Bumaba ito sa P64 kada US dollar at umabot naman sa pinakamataas na P63.93 kada US dollar sa kalagitnaan ng kalakalan.
Ito na ang ika-32 beses ngayong taon na bumagsak ang halaga ng piso sa panibagong pinakamababang antas nito. Nangyari ito sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado dulot ng digmaan sa Middle East.
Nagdudulot ito ng mas mataas na demand para sa dolyar ng Amerika.
Suportado rin ang paglakas ng dolyar ng mga pahayag ng US Federal Reserve na nagpapahiwatig ng posibleng pagpapanatili ng mahigpit na polisiya sa kanilang pananalapi. —FRJ GMA News
