Pumanaw sa edad na 46 si Eric Bauza, ang Emmy Award-winning voice actor na nagbigay ng boses sa mga iconic “Looney Tunes” character na tulad ni “Bugs Bunny.”

Kinumpirma ng pamilya ni Bauza ang malungkot sa balita sa isang pahayag na inilabas sa kaniyang opisyal na Instagram account.

“Eric Bauza, Emmy Award-winning voice actor and the modern voice of iconic Looney Tunes characters Bugs Bunny and Daffy Duck, along with dozens of other beloved cartoon characters, has passed away suddenly,” saad sa pahayag ng pamilya.

Ayon sa Variety, kinumpirma ng Los Angeles County Medical Examiner na hypertensive cardiovascular disease, na may kaugnayan sa sakit sa puso ang sanhi ng pagkamatay ni Bauza.

Bukod kina Bugs Bunny at Daffy Duck, binigyang-boses din ng Filipino-Canadian actor ang iba pang karakter sa “Looney Tunes,” kabilang sina Tweety, Elmer Fudd, Foghorn Leghorn, Porky Pig, Road Runner, at Charlie the Dog sa pelikulang “Coyote vs. Acme.”

Bago siya pumanaw, abala si Bauza sa dalawang proyektong nasa pre-production na: ang “Bye Bye Bunny: A Looney Tunes Musical,” na nakatakda niyang bigyang-boses si Daffy Duck, at ang “The Dragon Masters,” na nakatakda naman niyang bigyang-boses ang Shogun King.

Sa mga nauna niyang panayam, inilarawan ni Bauza na “a dream come true,” ang pagbibigay-boses niya kay Bugs Bunny. Lumaki siyang tagahanga ni Mel Blanc, ang orihinal na voice actor nina Bugs Bunny at ilan pang iconic na characters sa “Looney Tunes.” —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News