Nagsalita na si Marian Rivera tungkol sa matagal nang usap-usapan na may ikinandado umano niyang tao sa loob ng isang silid. Mariin itong itinanggi ng aktres at sinabing hindi ito nangyari.

“Paano mo gagawin 'yun nailo-lock mo na nasa loob 'yung lock? Ibig sabihin, kaming dalawa ang nag-lock," paliwanag ni Marian sa programang “Gandang Gabi Vice” nitong Linggo.

Inamin ng Kapuso Primetime Queen na ngayon lamang siya nagsalita tungkol sa umano’y insidente. Ikinuwento rin niyang matagal na silang nagkaayos ng taong nasangkot sa naturang usap-usapan.

Ayon kay Marian, naging bisita niya ang nasabing tao sa kaniyang programa na “Marian” noong 2014. Doon sila nagkita at humingi ito ng paumanhin sa kaniya.

"'Yung totoo 'yan, maayos na kaming dalawa. Noon pa man, way way back na, at hinding-hindi ko makakalimutan, nag-guest kasi siya sa Marian show," kuwento ng aktres.

“Sabi sa akin ng staff doon, 'Okay ba ige-guest ko si ganito?' Sabi ko, 'Of course, sige.' Pumunta siya. Nagkita kaming dalawa. Nag-sorry siya sa akin. So from there, alam niya na may mga nangyari na hindi naman talagang nangyari," dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Marian na pinili niyang manahimik sa loob ng maraming taon dahil naniniwala siyang nakabuo na ng sariling paniniwala ang mga tao tungkol sa isyu.

Ang mahalaga umano, maayos ang kanilang samahan sa tuwing nagkikita sila at napatawad na niya ito.

Samantala, bibida sina Marian at ang kaniyang asawang si Dingdong Dantes sa nalalapit nilang pelikulang “Remember.”

Sa direksyon ito ni Mae Cruz-Alviar, na siya ring nasa likod ng pelikulang “Rewind” na naging matagumpay sa takilya noong 2023.— Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News