Patay ang 22-anyos na lalaking working student matapos pagbabarilin habang sakay ng motorsiklo sa San Jose, Batangas. Ang biktima, galing sa pinapasukang trabaho nang sabayan sa daan ng mga salarin na nakasakay din sa motorsiklo.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News Saksi nitong Lunes, ipinakita ang video footage dakong 9:00 pm habang binabagtas ng biktima ang national highway sa bahagi ng Barangay Banay-banay II, nang madinig ang ilang putok ng baril.

Ayon sa pulisya, unang inakala na naaksidente ang biktima pero nang suriin ng mga responder ang biktima, nakita na may tama siya ng bala ng baril.

Kabilang sa kaniyang tinamo ang tama ng bala sa likod na tumagos sa dibdib. Hindi na siya umabot nang buhay sa ospital.

May nakita ring dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .45 baril sa pinangyarihan ng krimen.

Galing umano sa restaurant kung saan tumutugtog ang biktima nang mangyari ang krimen.

Hindi na muna nagbigay ng pahayag ang kaanak ng biktima, habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motoibo sa krimen,-- FRJ GMA News