Isa ang nasawi at lima ang sugatan sa nangyaring pamamaril sa Trappes na malapit sa Paris, France.

Sa ulat ng GMA News Saksi nitong Martes, makikita ang isang lalaki na nakasakay sa scooter ang nagmamadaling pumasok sa isang gas station pero bigla siyang natumba.

Ilang saglit pa, isang lalaki na may hawak na baril ang lumapit sa natumbang lalaki.

Ang lalaking may hawak na baril, namaril na pala sa gas station, isang medical center, at isang play ground.

Isa nasawi sa ginawa niyang pamamaril at lima ang sugatan, kabilang ang isang babae na 12-anyos.

Nadakip naman ang suspek kalaunan ng mga awtoridad.

Sinabi ni French President Emmanuel Macron na “terrorist and racist” attack ang nangyaring insidente. – FRJ GMA News